Ganti

PAGKATAPOS ng 20 years na pagsasamang hindi nabiyayaan ng anak, ipinagtapat ni Mister kay Misis na gusto na niyang makipag-divorce dahil nabuntis niya ang kanyang sekretarya. Hindi nito maiiwan ang kabit dahil dala-dala nito ang kanyang anak na matagal na niyang minimithi.

Tinanggap ni Misis nang tahimik ang kagustuhan ng asawa dahil alam niya na siya ang may kakulangan kaya nagkaga-noon ang kanilang pagsasama. Pero naghimagsik ang kanyang kalooban nang hatiin ang kanilang properties, napapunta ang kanilang magarang mansiyon kay Mister. Nakaabot sa kaalaman ni Misis na talagang “binaraso” ng magaling na lawyer ni Mister na sa kanya mapapunta ang mansiyon dahil dito gustong manirahan ng kabit.

Binigyan ng isang linggo si Misis para bakantehin ang mansiyon. Pakiramdam ni Misis ay sobra na ang pang-aapi na ginagawa sa kanya ni Mister kaya’t umisip siya ng paraan para makaganti. Bago lisanin ni Misis ang mansiyon ay namili siya ng mga limang kilong maliliit na fresh galunggong. Isa-isa niya itong isiningit nang buong ingat sa metal curtain rod na pinagsasabitan ng mga kurtina. Bawat silid sa mansiyon, bukod pa sa salas ay may nakasabit na mga kurtina.

Unang araw pa lang ni Mister at ng kabit sa mansiyon ay may umalingasaw nang mabahong amoy. Kahit anong hanap ay hindi talaga nila makita kung saan nanggagaling ang amoy. Isang linggo pa lang ay nagpasya nang lisanin ng dalawa ang mansiyon dahil hindi nila matagalan ang amoy. Naisip ni Mister na ibenta ang mansiyon sa mababang halaga pero wala pa rin bumili. Isang araw ay may isang lalaking lumapit kay Mister at sinabi nitong interesado siyang bilhin ang kanyang mansiyon dahil nabasa niya ito sa classified ads. Pinuntahan nila ang mansiyon na lalo pang bumaho sa dati ang amoy.

“Okey” sabi ng lalaki na nagpakilalang isang lawyer. “Bibilhin ko ang bahay na ito kahit sobrang mabaho pero sa halagang gusto ko.”

“Sige, magkano ang gusto mo?”

Sinabi ng lalaki ang halaga. Sobra nitong binarat ang mansiyon—20 percent ng original price. Desperado na si Mister, kaya pumayag. Noong araw din iyon, nagkabayaran ang lalaki at si Mister. Ang hindi alam ni Mister, ang lawyer ay kaibigan ni Misis. Ang totoong buyer ay si Misis. Nabawi niya ang mansiyon sa mababang halaga lamang. Salamat sa mga galunggong na ipinaglalagay niya sa curtain rod.

 

Show comments