SA Mexico City ay may isla na pawang manika ang makikita. Pero kakaiba ang mga manika sa isla sapagkat nakakatakot at nakapaninindig-balahibo. Kaya sa mga nais magtungo sa La Isla de las Muñecas dapat ay walang sakit sa puso at baka mabigla dahil sa takot.
Ang isla ay isa nang tourist attraction sa kasalukuyan. Ang mga nagtutungo roon ay malalakas ang loob at kayang tanggapin ang mga malalagim na tanawin.
Sa pagpasok pa lamang sa makapal na kakahuyan, mararamdaman na ang kakaibang pagtayo ng balahibo sa batok sapagkat nakakatakot ang tanawin.
Makikita sa mga punongkahoy ang mga lumang manika na nakasabit sa sanga. Karamihan sa mga manika ay mga sira na. Ang iba ay itsurang nasagasaan sapagkat yupi o basag ang mukha.
Isang nagngangalang Don Julian Santana ang pumili sa isla at dito na siya nanirahan. Siya ang nagsimula sa pagsasabit ng mga manika para tribute sa espiritu ng mga batang nalunod.
Ayon sa alamat, tatlong batang babae ang nalunod habang naliligo sa isang ilog doon. Mula noon, nangulekta si Don Julian ng mga lumang manika at dinadala sa isla at sinasabit sa mga puno.