LAGING idinadaing ni Anuj Ranjan, 20, ang pananakit ng kanyang dibdib at pabalik-balik na lagnat. Nagpatingin na siya sa iba’t ibang doktor at iisa lamang ang findings: may tuberculosis si Anuj.
Hanggang sa lumala ang kondisyon ni Anuj kaya nagpasya na ang mga doktor na operahan ito sa baga. Nabahala na ang mga doktor na baka magkaroon komplikasyon kaya kailangan ang madaliang operasyon.
At ganoon na lamang ang pagkagulat ng mga doktor nang buksan ang dibdib ni Anuj. Natuklasan nila na hindi TB ang dahilan ng sakit ni Anuj kundi isang sinturon na may habang walong pulgada! Nasa loob ng baga ang sinturon. Nagkaroon na ng impeksyon at ito ang nagdudulot ng mga sakit na idinadaing ni Anuj sa loob na ng mara-ming taon.
Hindi naman makapaniwala ang mga kamag-anak ni Anuj sa natuklasan ng mga doktor. Hindi nila maisip kung paano napunta ang sinturon sa baga ni Anuj.
Nang nagpapagaling na si Anuj, ipinagtapat niya na naaksidente siya sa sasakyan noong 2006 at iyon ang dahilan bakit nagkaroon ng sinturon sa kanyang baga. Nabangga umano ang kanyang kotse at sa lakas ng pagkakabangga, bumaon ang sinturon niya sa kanyang tiyan.
Ayon pa kay Anuj, walang kaalam-alam ang mga doktor na nag-opera sa kanya noon na mayroon pa palang nakabaon na sinturon sa kanyang tiyan. Hindi ito napansin nang tahiin ang kanyang mga sugat mula sa aksidente. Hanggang lumipas ang ilang taon at umakyat ang sinturon sa kanyang baga na nagbigay ng sakit sa kanya.
Hindi malilimutan ni Anuj ang karanasang iyon na ilang taon din ang nasayang sa kanya dahil sa mga sakit na dinulot ng naiwang sinturon sa baga.