Pambihirang albino na panda, naispatan ng camera sa China

ISANG pambihirang panda na pulos kulay puti ang balahibo ang nakuhanan ng camera sa isang nature reserve sa southwest China, patunay na may albino sa mga pandang namumuhay sa kagubatan.

Nakuhanan nito lamang nakaraang buwan ang kakaibang panda habang naglalakad sa kagubatan ng southwestern Sichuan province, ayon sa Xinhua official news agency noong Sabado.

Tinatayang nasa isa hanggang dalawang taong gulang ang albino na panda ayon kay Li Sheng, isang researcher ng mga oso sa Peking University.

Ayon sa mga namamahala ng Wolong National Nature Reserve kung saan natagpuan ang albino panda ay wala na silang ibang impormasyon ukol sa pambihirang oso at hindi rin nila alam kung saan matatagpuan ito.

Higit 80% ng mga panda na namumuhay sa kagubatan ay matatagpuan sa Sichuan, samantalang ang ilan ay makikita sa Shaanxi at Gansu province.

Ayon sa World Wildlife Fund, tinata­yang nasa 2,000 ang bilang ng mga panda na naninirahan sa kagubatan samantalang nasa 548 giant pandas naman ang nasa pangangalaga ng mga tao sa buong mundo, ayon sa huling bilang ng Xinhua.

Show comments