Mayor Osmeña, na-‘wow-mali’ sa akusasyon vs Col. Garma!
GO out and vote mga kosa!
• • • • • •
Mukhang na-fake news si Cebu City Mayor Tomas Osmeña nang akusahan niya si City police director Col. Royina Garma na sangkot sa pasugalan sa Bohol noong hepe pa ito ng Criminal Investigation and Detection Group-7 (CIDG-7).
Sinabi ni Osmeña na si Garma ang nasa likod ng operation ng Peryahan ng Bayan sa Bohol na sa tingin ng mga kosa ko sa PRO7 ay hindi totoo.
Ang katotohanan kasi ay tinutulungan ni Garma ang Small Town Lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na legal naman, di ba Ma’m Prosy? Kung sabagay, iginiit naman ni Atty. Bernard Vitriolo, vice president of legal department ng Globaltech Mobile Online Corp. (Globaltech) na may karapatan naman silang mag-operate ng Peryahan, hindi lang sa Cebu City at probinsiya ng Cebu, kundi maging sa lahat ng sulok ng bansa.
At ang ginawang basehan ni Vitriolo ay ang pagkatig ng Court of Appeals (CA) sa status quo ante order ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 151 noong 2016. At ang masama niyan, kahit abot-langit ang pag-iingay ni Osmeña laban ay Garma, tahasan namang ibinando ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Oscar Albayalde na wala siyang balak na palitan ito sa puwesto dahil nga walang basehan ang akusasyon ng una laban sa kanya. Araguuyyy! Hak hak hak! Mukhang na-“wow-mali” si Osmeña at baka maapektuhan pa ang re-election bid niya sa araw na ito, di ba mga kosa? Tumpak!
Nag-ugat ang hidwaan nina Osmeña at Garma matapos kumalat sa Cebu City ang litrato ng una na naglalaro, kasama ang mga alipores at kaibigan niya, nang poker sa House of Jacks in Ralph’s Wines and Spirits na nasa likod ng Harold’s Hotel sa Bgy. Kamputhaw sa Cebu City.
Ang litrato ay kuha ni Conrado Romano noong Enero pa subalit nitong Mayo 7 ay hiniling nito sa Ombudsman for the Visayas na imbestigahan si Osmeña dahil malakas ang paniniwala niya na labag ito sa kautusan ni President Digong na bawal magsugal ang government officials.
Ang suspetsa ni Osmeña, si Garma ang nasa likod ni Romano kaya’t galit na inakusahan n’ya ang police chief niya na nasa likod ng operation ng Peryahan sa Bohol.
Araguuyyy! Napahiya si Osmeña at dapat ang balikan niya ay ‘yung nag-feed sa kanya ng maling detalye o di kaya, si Romano na seryoso na idiin siya, di ba mga kosa? Hak hak hak! Nanahimik ang Peryahan at biglang nadawit pa sa away na wala namang silang kinalaman. Tumpak!
Dahil sa CA decision, lumarga na ang operation ng Peryahan para punuan ang pondo ni Digong sa Universal Health Care (UHC) dahil sa naghihingalo na ang Small Town Lottery (STL) ng PCSO.
Ang STL operators kasi ay may pagkakautang na P5.2 bilyon sa PCSO at kung patuloy ang pang-isnab o hindi pagbayad ng PMRR nila, saan na kukuha si Digong ng pagdagdag na P8 bilyon na pondo ng UHC kada taon? Kaya enter ang Peryahan at presto... malaki ang maitutulong nito sa UHC project ni Digong. Get’s n’yo mga kosa? Abangan!
- Latest