Ang paring nahawa ng ketong

NOONG 1873, isang Katolikong paring Belgian, si Joseph Damien de Veuster ang ipinadala sa isang leper colony sa Hawaii para magtayo ng ministry. Nais ng Simbahang Katoliko na matulungan ang mga ketongin hindi lang sa materyal na bagay kundi sa kanilang ispiritwal na pangangailangan.

Sa loob ng 12 taong pagtitiyaga ni Father Damien na suyuin ang mga ketongin, naging mailap ang mga ito sa kanya. Noong araw kasi, kapag magkaroon ng ketong ang mga tao, nagkakaroon sila ng pakiramdam na wala nang kuwentang mabuhay. Ano naman ang silbi ng pagdadasal at pagsisimba kung ikaw naman ay itinuturing nang patay na buhay? Kaya pagkatapos ng pagpapatayo ng simbahan, wala ni isa man lang magkamaling pumasok sa simbahan. Iniwasan nila si Father Damien. Kapag nagbabahay-bahay ito upang makipag-usap sa kanila, ang kawawang pari ay kanilang ipinagtatabuyan.

Dumating ang panahong napagod na rin si Father Damien kaya’t pagkaraan ng 12 taon, nagpasya na siyang lisanin ang Hawaii island of Molokai at bumalik sa kanyang bayang sinilangan. Nang siya ay nakasakay na sa barko, isang misteryo ang nangyari, nakadama siya ng pangingimi sa kanyang kamay at biglang naglabasan ang white spot sa kanyang katawan. Naunawaan agad niya ang nangyayari, nahawa na rin siya ng ketong, isa na siyang ketongin! Mabuti na lang at hindi pa umaalis ang barko kaya’t siya ay dali-daling bumaba at nagbalik sa isla.

Sa loob ng ilang oras, kumalat ang balita na bumalik sa isla si Father Damien, na isa na rin siyang ketongin. Nag-ipon-ipon ang mga tao sa labas ng kubo ng pari. Nakikiramay ang mga ito. Bigla siyang minahal ng mga tao dahil kaisa na siya ng mga ito. Alam na ni Father ang kanilang mga nadadama. Kaisa na siya sa pagdurusang nararanasan nila.

Pagsapit ng araw ng Linggo, kagaya ng dati, nagsasagawa siya ng misa  kahit wala man lang isang tao na nag-aatend ng misa. Pero sa araw na iyon, gulat na gulat siya ! Punung-puno ng mga tao ang simbahan. Mayroon pang hindi na nakapasok kaya sa labas na lang nakinig ng misa.

The rest is history. Nagtagumpay si Father Damien na makapagtayo ng ministry sa islang iyon. Hanggang ngayon ay matatagpuan pa rin ang simbahang ipinatayo ni Father Damien. Noong 2009, idineklara ng Vatican City na santo si Father, kinilala siyang Saint Damien of Molokai.

Ito ang diwa kung bakit  si Jesus Christ, ang anak ng Diyos ay kailangang ipadala sa lupa; magkatawang tao upang makipamuhay sa atin.

Show comments