NAGSIMULA ang showbiz career ni Bing Crosby bilang miyembro ng isang hindi gaanong kilalang singing group. Pero sa kasamaang palad ay tinubuan siya ng bukol sa kanyang lalamunan. Mahigit na trenta anyos na siya noon. Sa awa ng Diyos ay gumaling siya pero nag-iba ang kanyang boses. Mas gumanda dahil ayon sa mga observers, nag-boses teen ager daw siya.
Akalain ba niyang pinaganda ng “bukol” ang kanyang boses. Akala niya ay katapusan na iyon ng kanyang singing career. Pero hindi pala. Nagkaroon siya ng “kakaibang boses” na nagpasikat sa kanya.
Nagsimulang mag-figure skating si Vera Wang noong bata pa. Anak siya ng mayamang mag-asawang Chinese na namalagi na sa Amerika noong 1940s. Noong 1968 and 1969 U.S. Figure Skating National Championships, siya at ang kanyang partner na si James Stuart, ay nakakuha ang fifth place sa junior pairs competition. Ito ang nagtulak sa kanya para mangarap na makasali sa US Olympic Team. Sa kasamaang palad ay kulang pa siya sa expertise kaya hindi siya nakasali. Noon niya ibinaling ang kanyang ikalawang skill sa fashion industry. Nabigo man sa unang pangarap na makilala sa figure skating, ngayon naman ay sikat siyang designer ng bridal wear sa America.
Ang “masamang kapalaran” daw kung minsan ay parang tae ng hayop. Mabaho, marumi, nakakadiri pero kapag inihalo mo sa lupa ay nagsisilbi itong fertilizer na tutulong upang maging mabunga ang isang halaman.
Kaya kung binabagyo man ang inyong buhay ng masasamang pangyayari sa kabila ng mga pagsisikap at pagdalangin sa Diyos, huwag mawalan ng pag-asa. Sa likod ng mga kabiguan ay may sorpresa palang biyaya na naghihintay sa atin.