IDINEKLARA ng Gallup 2019 Global Emotions Report na base sa pandaigdigang survey, nangunguna ang Pilipinas sa pinakamaemosyong bansa sa buong mundo, kasama ng Niger, Liberia at Ecuador — dalawang bansa sa West Africa at isa sa South America. Ayon sa survey, anim sa bawat isang Pilipino ang nakararanas ng positibo at negatibong emosyon.
Kinapapalooban ang positibong emosyon ng pagngiti o madalas na pagtawa, sapat na pamamahinga, pagrespeto ng iba, pagkatuto ng mga bagay na kapaki-pakinabang at pagi-ging masaya. Sa kabilang dako, ang negatibong emosyon ay kinapapalooban ng sakit na pisikal, pag-aalala, kalungkutan, stress at galit.
Ibig sabihin, malusog ang emosyon nating mga Pilipino, sapagkat hawak natin ang ating emosyon. Hindi naman ibig sabihin nito ay hindi na tayo nag-iisip at puro emosyon na lamang ang umiiral. Pero alam mo, sinasabi ng mga eksperto na ang batayan ng kagalingan ng isang tao ay hindi na ang “Intelligence Quotient,” kundi ang “Emotional Intelligence,” ang kakayahang makapagpahayag ng nilalaman ng puso, sa halip na nilalaman ng isip, at makapagpanatili ng magandang relasyon sa kapwa.
Hindi rin ibig sabihin na kapag maunlad ang kabuhayan ng isang tao ay malusog ang kanyang emosyon. Ayon sa pag-aaral, sa kabila ng kaunlarang pang-ekonomiya, ang mga Amerikano ay higit na nakararanas ng stress, kalungkutan at galit kaysa mga taga Chad sa Central Africa, ang ika-pitong pinakamahirap na bansa sa buong mundo.
Bakit malusog ang ating emosyon? Ang unang dahilan ay dahil sa matatag na relasyon sa loob ng pamilya. Tayong mga Pilipino ay “family-oriented,” ang pamilya ang pangunahing dahilan kung bakit tayo bumabangon sa tuwing umaga. Dito sa atin, disiotso anyos na at pataas ang anak ay nakasukob pa rin sa magulang, ‘di tulad sa mga bansa sa kanluran. Sa isang banda ay may positibo ring resulta ang ganito nating kaugalian. Pangalawa ay ang pagturing natin sa mga kaibigan na bahagi ng ating pamilya. Ang pamilya ng ating kaibigan ay pamilya na rin natin. Samakatuwid, ang pamilya at kaibigan ang pinakamalakas na “support system” nating mga Pilipino. Pangatlo ay ang ating malalim na pananampalataya sa Diyos. Naniniwala tayo na dahil sa Diyos ay lagi tayong may pag-asa at makakaya natin ang anumang pagsubok.
Oo, maemosyon tayong mga Pilipino: Madali tayong umiyak, madali rin tayong tumawa. Madali tayong makipagkaibigan. Madali tayong magpatawad at lumimot sa nagawang kasalanan maging ng mga nasa gobyerno. Mababaw ang ating kaligayahan. Ang pagiging maemosyon natin ay maaaring isa sa ating kahinaan bilang lahi, ngunit isa rin naman ito sa ating kalakasan.
Mas masarap na ang maemosyon, kaysa dedma na may kalooban na singtigas ng bato. Ang hamon sa atin ay gamitin ang ating emosyon para lalong mapagbuti ang ating trabaho at pakikipagkapwa, para maiwasto ang kasinungalingan, at maitama ang mga mali. Mataas ang ating “Emotional Intelligence” at magagamit natin ito para sa kabutihan ng ating sarili at ng ating bansa. Hindi maintindihan ng iba kung bakit maging ang mga trahedya ay ginagawan natin ng mga kuwentong nakakatawa. Hindi nila maunawaan na ito’y isang mabisang “coping mechanism” nating mga Pilipino sa pagharap sa mga problema.
Nalalapit na ang eleksiyon. Huwag lamang isip ang ating gamitin, Gamitin din natin ang ating emosyon. Iboto natin ang mga taong may pagmamahal sa Diyos, sa kapwa at sa pamilya. Iboto natin ang mga kandidatong hawak ang sariling emosyon at nakauunawa sa emosyon ng mga karaniwang Pilipino.