Pergalan ni Jessica sa Bulacan, hamon kay Gen. Coronel!

ISANG malaking hamon sa liderato ni Central Luzon director Brig. Gen. Joel Napoleon “Jigs” Coronel ang negosyong pergalan ni alyas Jessica sa Bulacan. Ipinagmalaki kasi ni Jessica mga kosa na hindi kayang ipasara ang pergalan niya sa Bgy. Batia sa Bocaue at sa Bgy. Liciada sa Bustos dahil bagyo siya sa mga pulis. May puntong magyabang si Jessica mga kosa dahil siya ang presidente ng association ng mga pergalan sa Bulacan kaya siya palagi ang kausap kapag may problema ang mga kaalyado niya. Get’s n’yo mga kosa? May katwirang magyabang si Jessica kasi natatandaan ko na lumaban ang mga poste niya sa pulis raiders noong nakaraang mga taon at humantong nga sa korte ang kaso nila.

Di ba may limang tauhan si Jessica noon na nahuli at nakasuhan ng physical injury at iba pa? Araguuyyy! Kung bagyo si Jessica sa lokal na pulis at mga pulitiko sa Bocaue at Bustos, eh kay Coronel kaya uubra rin ang kayabangan niya? Kung sabagay, hindi lang sa Bulacan may pergalan si Jessica kundi maging sa ibang bahagi ng Luzon na kailangan halughugin pa ng mga kakosa ko. Hak hak hak! Kapag naipasara ni Coronel ang puwesto ni Jessica sa Bocaue aba nangangahulugan na hindi totoo na bagyo siya sa mga pulis, hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!

Sa totoo lang hindi lang si Jessica ang may pergalan sa Bulacan kundi maging sina Freddie sa Bgys. Inaon, Cutcot at Dampol sa Pulilan; si Fe naman sa Bgy. Iba at si Boboy sa Bgy. Calizon sa Calumpit; sa Bgy. Burol 1 ang kay Louie at sa Bgy. Balagtas ang kay Andy na sa Balagtas; kay Manie naman ay sa Bgy. Bunsuran sa Pandi; kay Manie uli sa Bgy. Caingin sa San Rafael at kay Connie sa Bgy. Buiwisan sa Bustos. O hayan, Gen. Coronel, hindi lang si Jessica ang dapat ipasara mo kundi marami pa. Araguuyyy! Teka nga pala! Ang Big Boss ng pergalan ng Central Luzon sa katauhan ni Ricky Quiroz hindi nagbukas ng pergalan sa Bulacan? Kung sabagay, ayaw ni Quiroz ng maliitang puwesto dahil ang gusto niya ay malakasan, di ba mga kosa?

Maliban kay Jessica, ang puwesto ni Quiroz ang dapat maipasara dahil sa Central Luzon, siya ang may tawag na ulo ng pugita. Hak hak hak! Sana ‘wag ding payagan ni Coronel na magbukas si Quiroz sa kaharian niya. Tumpak!

Nagsulputan ang pergalan sa Bulacan bago pa mag-Holy Week! Kung sabagay, may pergalan lang ang isang lugar kapag may fiesta at iba pang okasyon kung saan maraming tao ang nagseselebra. Ang katiyakan lang, ang permiso ng pergalan sa mga munisipyo ay mini carnival na may palarong bingo, ferris wheel, tsubibo at ipa pa. Kaya lang hindi magiging masaya ang fiesta at okasyon kung walang sugal tulad ng color games, drop ball at iba pa, na bawal na dahil maliwanag pa sa sikat ng araw na sugal ito. At para hindi sila magambala ng pulisya, aba nagbibigay ng weekly payola ang grupo ni Jessica. Araguuyyy!

Hak hak hak! Dudumugin ang mga pergalan na nabangggit ko sa itaas dahil nabulgar na ang mga puwesto nila. Abangan!

Show comments