MUKHANG magkakaroon ng bagong pangalan ang pinakamalakas at pinakamalawak na lindol na tinatayang maaaring tumama sa Luzon at Metro Manila sa anumang oras sa malapit man o malayong hinaharap. Sa kasalukuyan kasi, tinatawag pa itong ‘The Big One’ kapag ito ang pinag-uusapan.
Pero, pagkaraan ng naganap na 6.1 magnitude na lindol na yumanig sa Luzon noong Abril 22 at 6.5 magnitude sa Visayas at Mindanao noong Abril 23, sinabi ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology Chief Renato Solidum na, kung baga sa boksing, lightweight pa lamang o middleweight ang lindol na naranasan natin sa magkasunod na araw. Hindi pa ito ang “The Big One” o sa paglalarawan niya ay ang “heavyweight” na pinaghahandaan ng pamahalaan na posibleng tumama sa Metro Manila.
Ang 100-kilometer West Valley Fault na tumatagos sa Bulacan hanggang Metro Manila at Laguna ay maaari anyang lumikha ng magniture 7.2 na lindol. Gumagalaw ito tuwing ika-400 o 600 na taon at nagbunsod ng magnitude 6.3 to 6.5 na lindol noong 1648.
“Yung kahandaan namin ay parang inihahalintulad ko sa boxing. Kung ang kalaban natin ay heavyweight, iyung preparedness natin ay heavyweight o superweight; hindi lightweight ang ating pinapaghandaan,” sabi pa ni Solidum sa isang panayam.
Sinabi pa niya na lightweight lang na lindol o middleweight ang nangyaring lindol nitong nagdaang linggo. “Kung handa tayo sa mas malaki, dapat wala tayong problema sa nangyari kahapon,” dagdag niya.
Sabi pa niya, sa magnitude 7.2 na lindol, magkakaroon ng “very destructive” Intensity 8 na pagyanig na ang mga tao ay hindi magagawang tumayo. Dapat anyang patibayin ang mga gusali, tulay at transport terminal sa kalakhang Maynila.
“Kahit intensity 8, kung hindi naman babagsak ang bahay, gusali, ligtas tayo,” sabi pa niya. “Ang preparedness kasi sa lindol hindi overnight nangyayari, marami pang kumbinsihan.”
Hindi malaman kung kailan magaganap ang “The Big One” o “heavyweight” na lindol na iyon dahil hindi pa naiimbento ang teknolohiyang makakatukoy kung kailan magaganap ang isang lindol. Kaya, sa kasalukuyan, walang paraan para malaman ito. Ang tangi lang magagawa ay ang paghahanda. Sa madaling sabi, huwag paniwalaan ang mga nagpapakalat ng pekeng balita na may magaganap na lindol bukas o sa susunod na araw o linggo o buwan.