ISANG hardin sa bayan ng Shintomi sa Miyazaki Prefecture sa Japan ang isa nang tourist spot at dinarayo tuwing Abril dahil sa sangkatutak nitong pink na bulaklak na napakabango.
Pero bukod sa mga pink na bulaklak, pinupuntahan din ito dahil sa kakaibang kuwento sa likod ng pagkakatayo ng hardin.
Dating dairy farm ang hardin na pagmamay-ari ng mag-asawang Toshiyuki at Yasuko Kuroki simula noong 1956. Nabubuhay sila sa pag-aalaga ng mga baka at pangarap nilang lakbayin ang buong Japan kapag sila ay nagretiro.
Sa kasamaang palad, hindi natupad ang kanilang plano dahil nagkaroon ng karamdaman si Mrs. Kuroki na naging sanhi ng kanyang pagkabulag.
Dahil sa pagkawala ng paningin, naging matamlay si Mrs. Kuroki at naging mailap sa mga tao. Ito ang dahilan kung bakit naisipan ng kanyang asawa na gawing isang hardin ang dairy farm na may mga mababangong bulaklak na makakapagpasaya sa kanyang asawa.
Pinangarap din niya na marami ang bumisita sa hardin upang magkaroon ng pagkakataon ang kanyang asawa na makihalubilo muli sa ibang tao.
Natupad ang pangarap ni Mr. Kuroki dahil isa na ngang tourist spot ngayon ang hardin na kanyang itinayo. Dinadayo na ngayon ang hardin ng 7,000 katao araw-araw tuwing tagsibol hindi lamang para makita ang napakagandang mga bulaklak nito kundi pati na rin upang masilayan ang mag-asawang Kuroki na naging sikat na ang kuwento sa Japan.