Pinakamalaking eroplano sa mundo, lumipad na
SUMAHIMPAPAWID na sa California ang pinakamalaking eroplano sa mundo noong Sabado para sa kauna-unahang test flight nito.
Lumipad ang mega jet na binansagang “Roc,” sa Mojave Desert.
Mas mahaba pa sa isang American football field ang mga pakpak ng Roc at lumilipad ito sa pamamagitan ng anim na engine at dalawang fuselage.
Ang eroplanong ginawa ng Stratolaunch Systems Corp, ay lumipad ng higit 2 oras sa bilis na 304km kada oras, at umabot sa taas na 5,182 metro.
Ligtas na nakabalik sa Mojave Air and Space Port ang eroplano, na inabangan ng daan-daang katao.
Dinisenyo ang eroplano upang magkarga ng rocket sa kalawakan upang doon na lang maglunsad ng satellites sa halip na sa lupa.
Mas magiging madali at mura kasi ang pagpapadala ng satellite sa kalawakan sa pamamagitan ng eroplano kung ikukumpara sa pagpapalipad ng mga rockets na nangangailangan ng milyun-milyong gallon ng gasolina at makabagong teknolohiya.
Ang isang eroplanong katulad ng Roc ay mangangailangan lang ng mahabang runway.
- Latest