MAHIGIT 1 linggo na ang nakararaan, napaulat ang babala ng mga eksperto na, sa 1 sa bawat 5 tao na namamatay sa buong mundo, karaniwang may kaugnayan ito sa kinakain na masama sa kalusugan. Milyon-milyong tao umano ang namamatay bawat taon dahil sa sobra at madalas na pagkonsumo ng mga pagkaing maaalat, matatamis at maraming taba.
Tinataya pa ng United Nations na halos 1 bilyong tao sa mundo ang malnourished habang 2 bilyon ang overmalnourished.
Sa bagong pag-aaral hinggil sa mga kalakaran sa pagkain ng tao sa buong mundo na nalathala umano sa The Lancet, lumitaw na, sa halos bawat 1 sa 195 bansang sinaklaw ng survey, ang mga mamamayan ay kumakain ng napakaraming maling klase ng pagkain. Napakakonti lang ng kinukonsumo nilang mga pagkaing nakakabuti sa kalusugan. Sa karaniwan umano, ang mundo ay kumukonsumo ng matatamis na inumin na ang taglay na asukal ay mahigit 10 ulit ang dami kaysa sa inirerekomenda ng mga dalubhasa. Sa mga pagkaing maaalat, kumukonsumo sila ng mas mahigit pa nang 86 porsiyento sa inirerekomendang ligtas na rami sa bawat tao.
Sa naturang pag-aaral na sumuri sa mga kalakaran sa pagkonsumo ng pagkain at mga sakit sa pagitan ng taong 1990-2017, napakaraming tao ang kumakain lang ng napakakonting whole grain, prutas, nuts, at seeds para mapanatili ang malusog na pamumuhay.
Sa 11 milyong namatay na inuugnay sa poor diet, pangunahing dahilan ang cardiovascular disease na malimit na bunsod o pinalubha ng obesity o katabaan.
“Pinatitibay lang ng pag-aaral na ito ang ipinalalagay ng marami sa loob ng ilang taon na ang poor diet ang responsable sa maraming kamatayan kumpara sa iba pang mga bagay na peligroso sa buhay sa mundo,” paliwanag ng awtor ng pag-aaral na si Christopher Murray, director ng Institute for Health Metrics and Evaluation at the University of Washington.
Ipinahiwatig niya ang mungkahi ng kanilang pagtataya na pangunahing peligroso sa pagkain ang mataas na konsumo ng asin o konting konsumo ng masusustansiyang pagkain.
Sa isang EAT-Lancer report, sinasabi ng isang consortium ng three dozen researcher na ang mga tao sa mundo ay dapat lang kumain ng kalahati ng karne at may taglay na asukal at doblehin ang pagkain nang maraming gulay, prutas at nuts para maiwasan ang epidemya ng obesity sa mundo at ang climate change.
(Anumang reaksyon sa kolum na ito ay i-email sa rbernardo2001@hotmail.com)