MULA nang ipatupad ang election gun ban noong Disyembre 2018 hindi natupad ang totoong ibig sabihin nito. Sa madaling salita, balewala ang gun ban sapagkat lalo pang dumami ang krimen. Mas dumami pa nga ang patayan gamit ang baril mula nang magkaroon ng gun ban.
Pero sabi ng Philippine National Police (PNP), nabawasan daw ang krimen lalo na rito sa Metro Manila. Bumaba raw ang crime rate. Saan kaya nila nakuha ang report na ito?
Kung babasehan ang mga nangyayari ngayon na laging may nangyayaring krimen na ang gamit ay baril, mukhang nagbibiro ang PNP. Nagkalat ang baril at walang nasasamsam ang PNP mula pa nang magpatupad ng gun ban. Totoong naglalatag sila ng kabi-kabilang mga checkpoint pero wala itong epekto. Madali silang malulusutan ng mga criminal o mga riding-in-tandem. Madaling maiiwasan ang kanilang checkpoint sapagkat laging sa iisang lugar sila nagse-setup. Dadaan ba sa checkpoint ang mga gagawa ng krimen? E di siyempre iiwas sila.
Mula rin nang magsimula ang kampanya para sa election, may mga kandidato nang binaril at walang nahuhuli ni isa man ang mga pulis. Balewala ang election gun ban sapagkat lalo lamang hinamon ang mga criminal. Nakapagtataka kung saan nanggagaling ang mga baril na ginagamit.
Isa sa maituturing na kapalpakan ng gun ban ay ang nangyaring pagpaslang kay Ako Bicol Party-list congressman Rodel Batocabe noong Disyembre 22, 2018. Binaril si Batocabe habang papalabas sa isang covered court kung saan namahagi siya ng regalo para sa mga senior citizen. May mga nahuling suspect pero ang utak ng krimen ay hindi pa matukoy.
Kamakalawa, isang konsehal sa Malabon ang pinagbabaril. Sasakay na sa motorsiklo ang biktima nang lapitan ng isang lalaking naka-sunglasses at pagbabarilin. Matapos ang pamamaril, walang anumang umalis ang gunman. Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril.
Marami pang patayan na naganap gamit ang baril. Isang patunay na bigo ang PNP na kumpiskahin ang mga hindi lisensiyadong baril. Isang buwan pa bago ang election at maaaring dumami pa ang krimen na gamit ang baril. Kumilos sana ang PNP ukol dito.