GALIT na galit si Belinda dahil ang anak niyang si Leslie na 18 gulang ay sumamang nagtanan sa kanyang boypren na tricycle driver. Habang umiiyak ay walang tigil din ito sa katatalak habang nakikinig lang ang mga kapitbahay na kausap niya.
“Napakatanga talaga niyang anak ko, mag-aasawa rin lang, doon pa sumama sa isang patay gutom. Ang dami namang matitinong lalaki riyan…may magandang hanapbuhay…akala mo’y mauubusan ng lalaki.”
Isang kapitbahay ang lihim na napangiti sa mga tinuran ni Belinda. Parang gusto nitong sagutin si Belinda:
“Totoong maraming matitinong lalaki na may magandang hanapbuhay ang nariyan lang sa tabi-tabi, e, nanligaw ba naman sa anak mo? Ang alam ng marami ay kaisa-isang manliligaw ni Leslie ang tricycle driver.”
Parang hindi alam ni Belinda ang katotohanan ng buhay. Walang pinag-aralan si Leslie kaya sa kagaya rin niyang walang pinag-aralan ang bagsak nito. Idagdag pa rito na wala ka talagang mababanaag kahit kaunting ganda sa pisikal na kaanyuan ni Leslie. Kung ako ang ina ng tricycle driver at maririnig ko ang panlalait ni Belinda, sasagutin ko siya ng,
“Magpasalamat ka at may katangahan din ang aking anak kaya nagustuhan ang iyong anak.”
Kung gusto mong magkamanugang ng may magandang family background at kung ano-ano pang positibong katangian, ayusin mo rin ang pagpapalaki sa iyong anak. Dito natin iaaplay ang kasabihang: Kung ano ang itinanim, iyon ang aanihin. Pero sa kabilang dako, may mga exception din sa rule—iyong magaganda at guwapo na walang pinag-aralan ay may tsansang makapag-asawa ng mayaman o propesyunal. Pero bihira lang ‘yun, choosy na rin ang mayayamang magaganda at mga guwapo.