Gentleman
NITONG mga huling linggo ay may iniinom akong gamot na nagpapaantok sa akin. Isang hapon ay hindi ko namalayang mahimbing na pala akong natutulog sa pagkakaupo sa sofa. Bigla akong nagulantang nang marinig kong may nagta-tao po nang pasigaw sa labas ng gate namin. Nasapo ko ang aking dibdib sa sobrang pagkagulat. Hindi muna ako tumayo. Pinakiramdaman ko ang paligid at pilit inuunawa kung ano ang nangyayari.
Pinabalik ko muna ang aking “wisyo”. Naulinigan ko ang mga boses ng mga bata. Nagsisisihan sila kung bakit pumasok sa loob ng aming bakuran ang shuttlecock ng kanilang badminton. Bago ako nakatulog sa sofa, nakita kong may nagba-badminton na mga batang edad 10 hanggang 12 sa tapat ng aming gate. Mga anak ito ng mga bagong lipat sa tabi naming apartment. Malilim ang tapat ng aming bahay kaya rito sila madalas maglaro.
Inulit na naman ang pag-tao po nang pasigaw. Kitang-kita ko pa ‘yung isang dalagita na halos kita ang tonsil sa pagsigaw ng tao po. Naiinis siguro at wala pang tao na lumalabas. Pasalya kong binuksan ang pinto upang gulatin ang mga ito at i-emphasize na galit ako. Lagi kong tinatandaan ang tip ng aking kaibigan sa college: lagi mong unahan ang iyong kalaban sa panggugulat para mauna siyang matakot.
“Pang-abala kayo! Kayo pa ang may ganang magsisigaw diyan! Mga walang respeto. Saan ang bahay n’yo!”
Itinuro kung saan.
“Doon kayo sa tapat ng bahay ninyo maglaro para kapag lumipad ang shuttlecock, wala kayong aabalahing ibang tao.”
Biglang tumalikod at umalis ang dalagitang sumigaw kanina. Na-guilty at napahiya. Nanatiling nakatayo sa harapan ko ang binatilyo at ilang bata na mas nakakabata sa kanya. Ang binatilyo ang humingi ng dispensa.
“Sorry po. Sila po kasi.”
Nag-alisan ang mga naglalaro sa tapat ng bahay namin. Itinuloy ang paglalaro sa tapat ng bahay nila. Noong kumalma ang kalooban ko, saka ko napagtanto ang magandang attitude ng binatilyo. Hindi niya ako tinalikuran kagaya ng ginawa ng malditang dalagita. Kahit hindi siya ang sumigaw, siya ang nanindigan na humingi ng tawad para sa kanyang mga kalaro. Kahit ako ay nanggagalaiti nang oras na iyon ay buong pagpapakumbaba itong nag-sorry. At napansin kong nakangiti pa rin siya sa akin. Nahulaan kong lalaki na isang gentleman ang batang iyon.
- Latest