Gen. Cruz, rumaratsada sa Caraga!

TINUTUMBOK ng pulisya at iba pang government agencies kung saan galing ang 100 kilos ng cocaine na nagkakahalaga ng P500 milyon na nasungkit sa karagatan ng bansa nitong nagdaang mga araw. Sinabi ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde na maaring itinapon ito sa barko at sasaluhin na lang ng sindikato ng droga sa karagatan gamit ang mga mabibilis na lantsa o yate.

Kung sabagay, wala pang linaw kung saan talaga galing ang cocaine subalit nilinaw ni Albayalde na hindi ito para sa kunsumo ng mga adik na Pinoy dahil mas mahal ito kumpara sa shabu, ‘di ba mga kosa? Pero sa tingin ko dapat lang papurihan ni Albayalde si Caraga police director Chief Supt. Gilbert Cruz dahil sa matiyaga niyang pagkolekta ng 40 balot ng cocaine sa Siargao samantalang 37 balot naman sa Dinagat Island.

Maaring ang mga mangingisda ang nakakita nito subalit ang mga pulis ang talagang lumusong sa dagat para kolektahin ito, ‘di ba mga kosa? Hehehe! Ayos ba Maritime police director Chief Supt. Rodel Jocson Sir? Kung sabagay, hindi lang cocaine ang nakumpiska ng Caraga police mga kosa kundi maging 233.4 grams ng shabu na nagkakahalaga ng P2.7 milyon at 60,500  puno ng marijuana na nasa P12 milyon ang halaga. Ang accomplishment ni Cruz mga kosa laban sa droga, ay mula Enero 1 lang hanggang Feb. 17. Hak hak hak! Get’s mo Gen. Albayalde Sir?

Itong mga balot ng cocaine na nakuha sa Caraga ay tumitimbang ng tig-1.2 kilos at 1.3 kilos bawat isa. Hindi lang ang source ang tini-trace ni Cruz kundi maging kung saan dapat ibabagsak ito ng sindikato ng droga. Ang mga balot ng cocaine ay may mga nakasulat o marka ng dollar sign o ‘di kaya’y ng Bugatti, na manufacturer ng European cars.

Ang ibig bang sabihin nito ang mga cocaine ay para sa United States o sa Europe? Sa totoo lang, may kasabay na nakumpiska na cocaine na tig-isang kilo sa Infanta, Quezon at sa Bicol region na ang nakasulat naman sa balot ay ang salitang Lexus na isa ring mamahaling kotse.

Kaya sa ngayon, nakipag-coordinate si Cruz sa foreign counterpart ng PNP para magkaroon ng linaw kung para saan ba talaga ang shipment ng cocaine. Hak hak hak! Pinag-aralan din ni Albayalde kung ang shipment ng cocaine ay diversionary lang sa ibang ipapasok na droga ng sa bansa  Kaya’t ang mga tauhan ni Jocson sa ngayon ay nagpapatrol sa ating karagatan.

Hindi lang naman kasi sa droga nakasentro ang trabaho ni Cruz para panatilihing matahimik ang kanyang hurisdiksiyon, lalo na sa darating na election, dahil nagsagawa rin sila ng halos 50 operation vs loose firearms at nakaaresto ng 19 katao, pagkumpiska ng 52 baril at pagsuko ng 110 iba pa.

At ang mga pulitiko ay nagsuko rin ng 28 baril. Sa illegal gambling naman, siyam katao ang naaresto sa larong swertres, pitong vk ang nakumpiska at 102 ang natiklo sa iba pang sugal. At higit sa lahat 69 wanted persons ang natapon sa kulungan sa aspeto ng illegal logging samantalang apat naman sa illegal mining, at 26 sa illegal fishing. Idagdag natin mga kosa ang pagka-recover ng 356 electric blasting caps at isang anti-tank mine. Hak hak hak! Sa maikling panahon lang ha yan na operation ni Cruz ha, mga kosa. Abangan!

Show comments