HANDA ka bang gumastos ng milyon para lang sa durian? Pinag-usapan kasi at naging tampok sa social media ang isang pambihirang uri ng durian matapos itong ipagbenta sa isang shopping center sa Jakarta, Indonesia sa presyong 14 milyong rupiah (katumbas ng humigit-kumulang P55,000).
Makikita sa mga larawang kumalat sa social media ang pambihirang durian na kabilang sa uri na kung tawagin ay “J-Queen.”
Pambihira ang nasabing uri ng durian dahil sa kakaibang lasa nito na maihahambing daw sa peanut butter. Hindi rin basta-basta ang pagpapatubo sa J-Queen na durian dahil tuwing tatlong taon lang ito namumunga.
Nilikha raw ng isang nagngangalang Aka ang J-Queen na hinango raw niya mula sa dalawa pang klase ng durian na galing sa magkaibang rehiyon sa Indonesia.
Hindi naman naniniwala ang ibang nagpapatubo ng durian sa Indonesia sa kuwentong ito ni Aka lalo na’t nasa 200,000 rupiah lamang daw (katumbas ng P750) kada piraso ang pinakamahal na durian.
Sa kabila ng usap-usapan tungkol dito, dadalawa pa lamang daw ang nabibiling J-Queen na durian.