Pinasimulan na kahapon ang rehabilitasyon ng Manila Bay sa pamamagitan nang isinagawang clean-up drive sa baybayin nito.
Pangungunahan ng DENR kasama ang iba pang ahensya ang rehabilitasyon makaraang ipag-utos ni Pangulong Digong na ibalik ang dating ganda ng Manila Bay.
Kasama rin ang DILG kung saan nga inatasan ni Secretary Eduardo Año ang aabot sa 5, 714 barangays at 178 Local Go-vernment Units (LGUs ) na makiisa sa bayanihan para sa clean- up drive ng Manila Bay upang mapabilis ang rehabilitasyon.
Alinsunod sa Section 20 ng Philippine Clean Water Act of 2004 ay isinaad dito na ang mga LGUs ay may responsibilidad na pamahalaan at isulong ang kalidad ng katubigan sa lugar na kanilang nasasakupan.
Sa ilalim ng Local Government Code ang mga barangay ay inaatasang magsagawa ng serbisyo para sa ikabubuti ng kanilang lugar tulad ng hygiene sanitation, pagpapaganda ng kapaligiran at pagsasaayos ng koleksyon ng mga basura kasama na dyan ang paglilinis sa mga estero sa lugar na kanilang nasasakupan.
Nakapaloob pa nga Local Government Code, ang mga barangay ay obligadong magsagawa ng basic services kabilang ang paglilinis ng kapaligiran.
Sa makatuwid hindi lang ang may kinalaman sa Manila Bay ang dapat na matutukan ng mga LGU lalu na ng mga barangay officials na silang nakakakita sa kapaligiran ng kanilang nasasakupan.
Kaya nga lang, may ilang mga opisyal ng barangay ang tila nagtutulog sa pansitan o sadyang walang pakiaalam.
Ito ang dapat kalampagin ng DILG, hindi lang Manila Bay ang marumi, kundi maging ang mga creek o estero sa ibat-ibang lugar na siyang pinagmumulan ng mga pagbaha.
Alam yan ng mga opisyal ng barangay pero komo hindi sila apektado ng perwisyo, sige-sige lang walang aksyong na ginagawa.
Madalas pa nga sila ang kumukunsinte ng mga informal settlers na nagtayo ng kanilang mga bahay-bahay sa tabi ng creek.
Pinapayagan at kinukunsinti ng barangay kaya namimihasa hanggang sa dumami nang husto at hindi na mapigilan.
Ang maliliit na estero hindi na rin pinapansin hanggang sa maging estero na ng basura na dating daluyan nang tubig nalalakaran na dahil sa tumigas nang mga basura.
Noon pa man nagbabala na ang MMDA at maging ang DILG na pwedeng kasuhan ang mga barangay officials na pabaya lalo na kapaligiran, pero mukhang walang nasasampolan kahit marami silang nasusumpungan at hayagang nakikita ang kapabayaan.
Mag-ikot kayo at makikita nyo ang matinding problema sa mga estero.
Sana hindi ningas -kugon ang mangyari na puro satsat, walag aksyong nagaganap.