KAPAG malamig ang panahon, napapansin na mada-ling matuyo ang ating balat. Payo ng ilang dermatologists, huwag maligo araw-araw para maiwasan ang pagkakaroon ng dry skin. Pero sa rami ng duming nasasagap natin sa araw-araw papunta sa trabaho at eskuwelahan, paano ang dapat gawin?
Kapag naliligo tayo, may tubig na nag-e-evaporate mula sa ating balat. Kasama na ring natatanggal nito ang natural na moisture ng ating balat. Nagiging prone tuloy ang ating mga balat sa panunuyo.
Dati-rati, naipapayo kong maligo ng dalawang beses maghapon upang mahugasan ang pawis at libag ng katawan. Pero kapag napapansing nanunuyo ang balat, maipapayo kong bawasan ang dalas nang paliligo. Kung maliligo lamang ng minsan maghapon, gawin na lamang ito sa dakong hapon o gabi upang mahugasan na ang lahat ng dumi at pawis na naipon sa maghapon.
Matapos maligo, dampian lamang ang balat kung patutuyuin ito. Huwag kuskusing maigi ang balat nang maiwasan ang panunuyo. Dampi-dampi lamang.
Matapos mapatuyo ang balat, ibalik ang moisture ng balat sa pamamagitan nang pagpapahid ng hydrating body cream/lotion. Dito nagiging kapaki-pakinabang ang mga moisturizer. Sa abroad, lalo na sa bansang malalamig, lalong higit na kailangan ang mga moisturizer upang mapanatiling malusog ang balat.
Kailangan bang minsan lamang sa maghapon ipapahid ang mga moisturizer?
Hindi. Kung napapansing mas nanunuyo ang balat, kahit apat o limang beses maghapon ay puwedeng ipahid ang mga moisturizer na ‘yan sa loob ng isang linggo. Napapadali kasi ito ang proseso ng hydration ng balat. Tumutulong din ito sa proseso ng skin healing. Mapapansin ang pagbabago sa balat sa loob lamang ng isang linggo.
Kung may available din kayong “bath oil” sa bahay, puwede rin itong gamitin kapag kayo ay nagsa-shower. Hindi naman para lamang sa naliligo sa bath tub ang mga bath oil. Kapag nagpapahid tayo ng bath oil o kung naligo tayo sa bath tub na may bath oil, nagiging smooth ang ating mga balat. Ngayon nga ay madalas pang may kahalo na aromatherapy ingredient ang mga bath oil. Nakatutulong ito para ma-relax kayo habang naliligo.
Kung madalas din kayong maghugas ng kamay sa maghapon, gumamit ng hand cream o lotion tuwing matatapos maghugas at magsabon ng kamay.