ISANG artist ang gumamit ng buhangin at 10,000 plastic bottles upang lumikha ng isang 30-talampakang istatwa ni Santa Claus sa isang beach sa India.
Inabot ng dalawang araw ang sand artist na si Sudarsan Pattnaik upang malikha ang higanteng Santa Claus sa Puri beach, Odisha. Bahagi ito ng kanyang layunin na mamulat ang publiko sa pinsalang dulot ng plastic na mga basura sa kalikasan.
Bukod sa mga boteng plastic ay gumamit din si Pattnaik ng 882 toneladang buhangin para sa paggawa sa istatwa, na nagtampok ng mga hashtag na “#ReadyForChange” at “#BeatPlasticPollution.”
Umaasa naman si Pattnaik na makakapasok sa lokal na Book of Records ang kanyang nilikhang dambuhalang istatwa ni Santa.