Hindi dapat nauulit ang Niños Inocentes

GINUNITA kahapon ng mga Kristiyano sa buong mundo ang “Niños Inocentes” bilang pag-alaala sa utos ni Haring Herodes na patayin ang mga batang lalaki na may edad dalawang taon pababa sa hangaring pigilan ang pagkabuhay ng napag-alaman niyang isinilang na Mesiyas o Tagapagligtas. Ginawa ni Herodes ang karumal-dumal na krimen sa takot na siya’y mawala sa kapangyarihan.

May mga Pilipinong ipinagdiriwang ang “Niños Inocentes” na parang “April Fool’s Day” sa pamamagitan ng pangungutang na walang intensiyong magbayad.  Ibig sabihin, ipinagdiriwang ang isang pangyayaring nakaugnay sa pagsilang ni Hesus sa pamamagitan ng panloloko sa kapwa. Sa ganitong punto, masasabi nating araw-araw ay “ Niños Inocentes” sa Pilipinas, dahil araw-araw ay may nanloloko at naloloko rito sa atin. Napakalungkot na katotohanan!

Karumal-dumal ang panloloko kung ang nabibiktima ay ang mga bata. Sabi ni Hesus sa Mateo 18:6, “Mas mabuti pa sa isang tao ang siya’y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at ihulog sa kailaliman ng dagat kaysa siya’y maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananampalataya sa akin.” Ibig sabihin, kamatayan ang dapat iparusa sa sinumang naging dahilan ng kapahamakan ng isang bata.

Ang Pilipinas ang nangunguna ngayon sa Asia sa rami ng kaso ng tinatawag na “Online Sex Exploitation Against Children” (OSEC) kung saan ang mga batang karaniwan ay nasa edad 10 pababa ay nabibiktima ng “pedophiles” na binabayaran ang malalaswang kuha ng mga bata sa pamamagitan ng internet. May mga kaso na ang mga biktima ay hindi mga bata, kundi mga sanggol na ang edad ay limang buwan pababa.

Narito ang higit na kakila-kilabot sa OSEC: Karaniwan, ang “bugaw” ay ang mga magulang mismo ng mga bata at sanggol na biktima. Ang katwiran nila, kumikita sila nang malaking pera, gayong napapanood lamang naman ng “pedophiles” ang malalaswang kuha ng kanilang mga anak. Wala naman daw aktuwal na “physical contact.”  May mga kaso ng OSEC na nagsimula nga sa internet, ngunit humantong sa pagkikita rito sa Pilipinas ng bata at ng dayuhang “pedophile.” Isa pa, ayon sa pag-aaral, may pangmatagalang epekto ang OSEC sa pagkatao ng batang biktima. Paglipas ng ilang panahon, ang batang naging biktima ay nawawalan ng pagpapahalaga sa sarili na humantong sa ganap na pagkapariwara nito.

Ang isa sa napakahalagang kaloob ng Diyos sa tao ay ang dignidad, sapagkat ang tao’y nilikha ayon sa larawan ng Diyos. Sinumang wawasak sa dignidad na ito ay tatanggap ng napakabigat na parusa mula sa Diyos. Hindi na kailangang maging Herodes at pedophile para sumira ng buhay ng mga batang inosente o walang malay.

Nagiging Herodes at “pedophile” ang sinumang tao na ang masamang halimbawa ay ginagaya ng mga bata. Nagiging Herodes at “pedophile” ang sinumang negosyante na ang produkto ay nakasisira sa kalusugan ng mga bata. Nagiging Herodes at “pedophile” ang sinumang taong-gobyerno na ninanakaw ang perang dapat sana’y maipagpatayo ng eskuwelahan, palaruan o hospital para sa mga bata.

Nakapagbibigay-inspirasyon na ang “advocacy” ng nanalong Miss Universe 2018, ang sariling atin na si Catriona Gray, ay ang pagsuporta sa mga bata upang matupad ang magaganda nilang pangarap bilang mga nilikhang may angking dignidad.

Ang pagsuporta at pangangalaga sa ating mga bata ay dapat maging “advocacy” nating lahat bilang mga Pilipino.  Sa pamamagitan ng sama-sama nating pagkilos, mapipigilan natin ang paulit-ulit na “Niños Inocentes.”

  

Show comments