Lalaki sa New York, muntik malulon ang perlas sa loob ng kinakaing talaba

ISANG lalaki na kumakain sa isang New York restaurant ang nakatagpo ng perlas sa loob ng inorder niyang talaba na ang halaga ay maaring umabot sa $2,000.

Ayon sa 66-anyos na New Jersey Resident na si Rick Antosh, nanananghalian siya kasama ang isang kaibigan sa Grand Central’s Oyster Bar sa New York nang maramdaman niya sa pagnguya ang isang matigas na bagay.

Noong una raw ay natakot pa si Antosh na baka isa sa mga ngipin niya ang natanggal ngunit napagtanto niyang may lamang perlas pala ang isa sa mga talabang kanyang kinakain at nanguya niya ito.

Hindi niya kaagad sinabi sa namamahala ng restaurant ang kanyang nadiskubre at sa halip ay umuwi muna siya bago niya tinawagan sa telepono ang floor manager ng kainan.

Tinanong daw niya ito kung madalas bang nangyayari na may perlas na natatagpuan sa mga talabang kanilang inihahain at ayon sa floor manager ay kay Antosh pa lang daw nangyayari ito.

Hindi pa opisyal na nasusuri ang perlas ngunit tinatayang nasa $2,000 hanggang $3,000 (katumbas ng P153,000) ang halaga nito.

Pinag-iisipan pa ni Antosh kung ibebenta ba niya ang perlas dahil para sa kanya ay maari raw na isa itong lucky charm o pampaswerte.

Show comments