EDITORYAL - Bagsik ng air pollution
KAHAPON ng umaga, makulimlim sa Metro Manila. Sumikat-dili ang araw. Kapansin-pansin ang usok na humaharang sa sumisikat na araw. Iyon pala ang dahilan kaya ayaw tumuluy-tuloy ang sikat ng araw. Smoke at fog (smog) ang bumabalot sa kapaligiran. Ito rin ang nalalanghap ng mamamayan sa MM. Kapag hindi napigilan ang smog, malaki ang magiging problema ng mamamayan sa kanilang kalusugan.
Sinabi minsan ng sikat na cardiologist na si Dr. Jorge Sison, face masks na ang kailangan ng mga taga-Metro Manila dahil sa malubhang air pollution. Si Dr. Sison ay pinuno ng Cardiology ng Medical Center Manila. Ayon kay Sison, grabe ang pollution sa EDSA, Taft Avenue, Quezon Avenue at C5 dahil dito nagdaraan ang karamihan sa mga sasakyan lalo na ang mga jeepney.
Hindi na ligtas tirahan ang Metro Manila kung ang pagbabatayan ang suhestiyon ni Dr. Sison na kailangan nang mag-face masks ang mamamayan. Para sabihing mag-face masks, masyado nang grabe ang kalagayan ng hangin at kailangang gumawa ng aksiyon ang pamahalaan ukol dito. Unang dapat kumilos ay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sapagkat sila ang may kargo para mapangalagaan ang kalikasan at kapaligiran. Sila ang may responsibilidad dito.
Noong nakaraang taon, nagkaroon ng ranking sa 230 siyudad sa buong mundo na gustong tirahan o puntahan ng mga dayuhan. Nasa ika-136 na puwesto ang Metro Manila. Isa sa mga dahilan kung bakit malayo ang puwesto ng Metro Manila ay dahil sa grabeng air pollution. Mas gusto ng mga dayuhan na puntahan ang mga lugar na malinis ang hangin. Pinakamarami ang gustong manirahan sa Vienna, Austria at sa Singapore.
Isa sa maaaring gawin ng DENR ay ang pagpapaigting sa anti-smoke belching campaign. Suportahan nila ang pag-phase out sa mga lumang sasakyan na sapagkat ang mga ito ang nagbubuga ng 80 porsiyento ng nakalalasong usok. Ipatupad ang nakasaad sa Clean Air Act of 1999 na bawal ang paggamit ng incinerators at pagsusunog na lumilikha ng usok. Ayon sa Department of Health (DOH) ang grabeng pollution ay nagdudulot nang maraming sakit: pulmonya, bronchitis, asthma, istrok at atake sa puso.
Malaking hamon kay DENR Sec. Roy Cimatu ang pollution sa Metro Manila. Kung nalinis ang Boracay, dapat bigyang pansin ang maruming hangin sa Metro Manila. Maraming magkakasakit sa hinaharap.
- Latest