MASYADONG advance mag-isip ang Department of Budget and Management (DBM) sapagkat binabalak nang bawiin ang suspension sa excise tax ng petroleum products na inihayag nila noong nakaraang buwan. Katwirang ng DBM, patuloy daw ang pagbaba ng presyo ng gasolina at diesel kaya wala nang dahilan para ituloy pa ang suspension sa excise tax. Sinuspende ang pagpapataw ng buwis sa petrolyo na magkakabisa sa Enero 1 dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng crude oil sa world market. Nakasaad sa TRAIN Law, kapag ang presyo ng crude oil ay umabot na $80 per barrel, awtomatikong sususpendihin ang excise tax. Nang pumalo sa $80 ang crude oil noong Oktubre, marami ang nanawagan sa gobyerno na suspendihin ang excise tax. Sumunod naman si President Duterte kaya inatasan niya ang mga opisyal na suspendihin ang tax sa susunod na taon.
Pero sabi ng mga opisyal, hihilingin daw nila kay President Duterte na bawiin ang suspension. Pababa raw nang pababa ang presyo ng gasolina. Sabi ni Finance Sec. Carlos Dominguez kapag itinuloy ang suspension sa kabila na bumababa ang petroleum products, labis na malulugi ang gobyerno. Sa pagtaya ni Dominguez, malulugi ang gobyerno ng P43.4 bilyon. Ayon pa sa opisyal, ang tax mula sa petroleum products ang ginagamit para sa ‘‘Build, Build, Program’’ ng pamahalaan.
Hindi dapat ura-urada ang mga opisyal sa pagbawi sa suspension ng excise tax. Kapag pinatawan ng tax ang gasolina at diesel, tiyak tataas na naman ang bawat litro nito. At gaano naman kasigurado na patuloy ang pagbaba ng langis sa world market. Hindi dapat pagbasehan ang pagbaba sa kasalukuyan para bawiin ang suspension ng excise tax. Huwag magmadali sa usaping ito.