Kalembangin ang mga kampana

MAHALAGA sa bawat bansa ang simbolo. Hindi ito matutumbasan ng salapi, sapagkat nakapaloob sa simbolo ang kasaysayan, pangarap at pakikibaka ng isang bansa.  Isa sa ating makasaysayang  simbolo ay ang tatlong kampana ng Balangiga sa Calbayog, Samar. Ang mga kampana ay tinangay ng mga sundalong Amerikano bilang mga “Tropeo ng Giyera” noong 1901. Ang dalawang kampana ay nasa US Air Force Base sa Cheyenne, Wyoming at ang isa naman ay nasa US Army Museum sa South Korea.

Pagkatapos ng 117 taon, ibabalik na sa Pilipinas ang mga kampana ng Balangiga.  Hindi naging madali ang naging proseso ng pagbabalik.  Si dating Presidente Fidel Ramos ang nagpasimula ng paghiling na maibalik sa atin ang mga kampana, bagama’t may mga rekord na nagsasabing 1958 pa ay mayroon nang mga pagtatangka. Ang kahilingan ay inulit ni Presidente Duterte sa nakaraan niyang SONA.

Pinahintulutan na ng US Congress na ibalik sa atin ang mga kampana na ang pagkalembang ang nagsilbing hudyat sa paglusob ng mga gerilya at mga ordinaryong mamamayan sa 9th US Infantry Regiment noong 1901, kung saan napatay ang 48 sundalong Amerikano, kasama ang kanilang kumander. Ito ang itinuturing na pangalawang pinakamatinding pagkatalo ng US Army, ang una ay ang pagkatalo nito sa “Battle of the Little Bighorn” noong 1876.

Bilang ganti, sa utos ni Gen. Jacob Smith, sinunog ng mga sundalong Amerikano ang buong bayan at pinagbabaril ang mga Pilipino na may edad 10 pataas.  Umaabot sa mahigit 2,500 ang napatay, bagama’t ayon sa ilang historians, hindi bababa sa 10,000 ang napatay sa isa sa pinakamalupit na alaala ng Digmaang Amerikano-Pilipino.

Karapat-dapat lamang na ibalik sa atin ang mga kampana ng Balangiga, sapagkat ang mga ito’y sumisimbolo sa kagitingin ng mga Pilipino na handang labanan ang isang mas malakas na puwersa alang-alang sa kalayaan at kasarinlan. Bolo lamang ang armas ng mga mamamayang sumama sa mga gerilya sa paglusob. Sumisimbolo rin ang mga kampana sa kalupitan ng mga sundalong Amerikano na sinasabing naging mapang-abuso sa mga kababaihan ng Balangiga.

Kapag naibalik na ang mga kampana, kailangang pakaingatan ang mga ito ng kinauukulan, sapagkat kung hindi, baka manakaw lang at ibenta ng por kilo. Tayo’y isang bansa na walang gaanong pagpapahalaga sa ating yamang kultural at historikal. Tila hindi man tayo nagugulat o nababahala kapag may nabalitaan tayong ninakaw na mga ganitong yaman.

Sa pagbabalik ng mga kampana ng Balangiga, simulan rin nating kalembangin ang kampana ng pagkamakabayan na nagpapahalaga sa kasaysayan. Wala tayong malalim na pang-unawa at pagpapahalaga sa kasaysayan. Ito ang dahilan kung bakit napakadali nating makalimot, kung bakit ang mga pulitikong nakagawa ng malaking kasalanan sa bayan ay nakababalik pa sa kapangyarihan, kung bakit may mga taong may lakas ng loob na baguhin ang kasaysayan ayon sa kanilang pananaw at panlasa.

Ang mga kampana ng Balangiga ay mga simbolong may pambansang kahalagahan. Marami pang dating simbolo ang dapat maibalik upang tayo’y mabuhay bilang isang bansang may dangal at iginagalang ng buong mundo. Noong araw, ang mga pulis ay nirerespeto sa halip na kinatatakutan. Noong araw, ang Senado ay pinanggagalingan ng mga “statesmen” sa halip na mga “entertainers”.  Noong araw, ang Presidente at iba pang matataas na pinuno ng gobyerno ay iniidolo dahil sa pagiging kagalang-galang sa pananalita, pananamit at pagkilos. 

Panahon na para kalembangin ang mga kampana! Ang hindi pagkilos sa lalong madaling panahon ay mangangahulugan ng pambansang pagpapatiwakal!

Show comments