Pulmonya

NARARAMDAMAN na ang malamig na simoy ng ha-ngin sa umaga. Palatandaan na nalalapit na ang Pasko. Kapag ganitong panahon, marami na naman ang nagkakasakit. At ang isang sakit na maaring tumama kaninuman ay ang pulmonya.

Ang pulmonya ay isang kondisyon kung saan ang kabuuan ng baga ay nababalutan na ng plema. Kapag nangyari ito, hindi na epektibo ang exchange ng oxygen at carbon dioxide sa baga. Nahahadlangan na ang oxygen na makapunta pa sa sirkulasyon ng dugo. Kaya nahihirapang huminga ang taong dinapuan ng pulmonya.

Iba-ibang mikrobyo ang sanhi ng pulmonya. Puwedeng dulot ito ng bacteria, virus, fungus, o parasite. At depende rin sa organismong sanhi ng pulmonya ang magiging batayan ng gagawing gamutan.

Kadalasan, nagsisimula ang pulmonya kapag nalanghap nang di-sinasadya ang organismo sa ating baga. Pero posible rin na ang mikrobyo ay dinala sa baga sa pamamagitan ng sirkulasyon ng dugo. O kung nakapasok ang mikrobyo sa baga dahil may impeksiyong di-kalayuan sa baga.

Posible ring sundan ng pulmonya ang isang katatapos lang na operasyon lalo na yung operasyon sa dakong tiyan o kung nagkaroon ng trauma sa dibdib. Ito’y sapagkat sa mga pagkakataong ganito, hindi mabisa ang kakayahan nating huminga, umubo, o maglura ng plema. Nagtutulong-tulong ito para maipon sa baga ang plemang dulot ng mga mikrobyo.

Kasama rin sa mga taong mataas ang panganib na magka-pulmonya ang mga taong nakahiga na lang halos dahil sa karamdaman, paralisado, unconscious, at mga sobrang hinang-hina ang pakiramdam.  Ito’y dahil depektibo rin ang kanilang kakayahang umubo o ilabas ang plema o mababaw lamang ang ginagawa nilang paghinga.

Minsan din, may pulmonyang nangyayari kapag may ilang piraso ng pagkain/inumin mula sa bibig na aksidenteng nalanghap patungo sa baga. “Aspiration pneumonia” ang tawag dito.

Ubo na may plema ang pinaka-karaniwang sintomas ng pulmonya. Pero huwag ipagkamaling kapag inubo tayo ng may plema ay pulmonya na agad. Puwedeng simpleng kaso lamang ito ng Respiratory Tract infections (RTIs). Pero kung medyo matagal na ang ubo at may kasama nang paglalagnat, pangingiki, pananakit ng dibdib, at pangangapos ng hininga, maaaring pulmonya na ito. Kumunsulta sa doktor.

Show comments