ISANG maliit na eroplano na may lulang student pilot ang nag-emergency landing sa gitna ng traffic sa isang highway sa Southern California.
Ayon sa California Highway Patrol (CHP), walang nasaktan sa insidente at ligtas namang nakapag-landing ang eroplano sa westbound lanes ng Interstate 8 sa El Cajon, California noong Biyernes ng umaga.
Napilitang mag-landing ang eroplano matapos mag-report ang piloto nito ng engine trouble.
Ayon sa mga awtoridad, sakay ng single-engine Piper ang 25-anyos na flight instructor na nagsilbing piloto at ang kanyang 36-anyos na estudyante.
Ayon sa CHP, ang instructor ang nag-landing sa eroplano.
Makikita sa video na kuha ng isa sa mga motorista na nasa highway nang mangyari ang insidente ang pagsulpot ng eroplano sa gitna ng mga sasakyan at inokupa ang dalawang lanes ng highway.
Ang piloto mismo at kasama niyang flight student ang nagtulak sa eroplano papunta sa shoulder ng highway upang maitabi ito at hindi maging sagabal sa trapiko.