NOONG dekada 70 na nag-aaral ako sa UP Diliman, isang malaking kasalanan ang hindi pakikilahok sa mga kilos-protesta laban sa katiwalian at pang-aabuso ng mga pinuno ng gobyerno. Noon ay kahiya-hiya ang isang estudyanteng nagbababad sa malamig na classroom sa eskuwela habang mainit ang mga kaganapan sa kalye. Ang mga kalye ang mas madalas na classroom namin noon. Sa kalye ko natutuhan at naranasan ang totoong pagmamahal sa bayan.
Radikal kung tawagin noon ang mga lumalahok sa mga kilos-protesta. Maganda ang kahulugan ng “radical.” Ibig sabihin nito’y isang taong naghahangad ng malawakan at malalimang pagbabago. Hango ang salitang “radical” sa “root” o ugat. Kaya ang ninanais ng isang radikal ay masolusyunan ang ugat o pinanggagalingan mismo ng problema. Hindi ba maganda itong katangian? Ngunit nang lumaon, nagkaroon ng tinatawag na “connotative meaning” ang radikal iniugnay na ang salitang ito sa mga taong naghahangad ng malawakang pagbabago sa pamamagitan ng marahas na pagpapabagsak sa kasalukuyang sistema ng gobyerno.
Sa loob ng kolehiyo at unibersidad ay mahalaga ang pag-iral ng “academic freedom” na umaakay sa mga estudyante na makapagsagawa ng “critical thinking” upang malaya at malalimang mapag-usapan ang mahahalagang isyung pambayan. Ang eskuwelahan ay “marketplace of ideas,” kung saan ang bawat isa’y malayang makapagpapahayag ng kanyang saloobin at paninindigan nang walang takot, kung saan puwede mong ipahayag ang paniniwala mo sa isang ideology, halimbawa ay demokrasya at komunismo, na hindi ka natatakot na ikaw ay matatakan na makakaliwa o makakanan.
Kaya nakababahala ang ipinahayag ng militar na ang New People’s Army ay nagre-recruit ng mga estudyante sa 18 unibersidad at kolehiyo sa Metro Manila para pabagsakin si Presidente Duterte. Ayon sa pahayag ng military, sa mga eskuwelahang ito madalas ipinapalabas ang mga dokumentaryo tungkol sa martial law noong panahon ni Presidente Marcos.
Nakababahala ang ganitong pahayag sapagkat maaaring magresulta ito sa “witchhunt” o panggigipit sa mga taong may radikal na paniniwala. Hindi masamang maniwala sa ibang ideolohiya na salungat sa demokrasya na sistema ng kasalukuyang gobyerno. Ang masama ay ang pagtatangkang palitan ang sistemang ito sa pamamagitan ng madugong rebolusyon.
Nang ako’y maging Kristiyano, isang bagay ang natuklasan ko: magkasalungat ang Kristiyanismo at komunismo na pinalaganap ng German scholar na si Karl Max, kung saan isinusulong ang “class war” upang maitatag ang isang “classless society.” Ang malungkot, ang komunismo ay hindi lamang “Classless Society,” kundi” Godless Society,” kung saan ay “option” ang madugong rebolusyon tungo sa pagbabago.
Ngayon, ang ideology ko ay Christology: ang kautusan, katuruan at gawa ni Kristo ang panuntunan sa pang-araw-araw na buhay. Ang batas ni Kristo hindi batas ng karahasan, kundi batas ng pag-ibig na siyang tanging may kapangyarihang mag-alis sa kasamaan. Wika ni Kristo sa Mateo 5:43-45, “Narinig ninyong sinabi, ‘Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway. Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, upang kayo’y maging mga anak ng inyong Amang nasa langit…”
Ibig sabihin nito, maaari tayong maging radikal na Kristiyano na nagsusulong ng malawakan at malalimang pagbabago sa ilalim ng kapangyarihan ng pag-ibig; radikal na Kristiyano na nagtatakwil sa karahasan at nahahandang magsakripisyo hanggang sa umabot sa sinasabi ng ating Pambansang Awit, “Ang mamatay nang dahil sa iyo.”