NAKAKITA ng maikling daan ang mga tusong pulitiko para makalahok sa dambulan sa Kongreso na nagtatago sa kaanyuan ng isang party-list representative. Ang sagradong representasyon na dapat ay sa mga marginalized o mga agrabyado sa pagkakataon na makalahok sa pag-ugit ng batas para sa kapakanan ng kanilang kinabibilangang sektor ng lipunan ay nilamon na ng sistema ng traditional politics (trapo) kaya tuluyan na itong nagmistulang bulok na basahan!
Kilalaning mabuti ang nominees
Kung nais nating mga mahihirap na magkaroon ng totoong magtatangol sa ating karapatan, usisain natin kung sinu-sino ang mga nasa likod ng mga nagsulputang party-list group na iikot sa ating komunidad. Kapag ang isang party-list nominee ay umakyat sa entablado o kabilang sa ipinamimigay na leaflets ng isang political party, asahan na natin na magiging palpak at makapili ang representasyon nito sa Kongreso.
Mala-raket na ang party-list
Marami sa nominees ang kaalyado, kundi man datihan nang trapolitiko na isinusuka na sa lipunan, lalo na sa pinagmulan nitong distrito ng kanilang bayan, at kaya tumakbo sa party-list ay makakapangampanya ito sa ibang bayan na hindi bistado ang masamang ugali nito. O di ba?
Agrabyado na ang mamamayan sa sistemang pinaiiral ng ating konstitusyon kung susuriin. Isipin n’yo mga kabakas, pareho ang kinikita nila ng ordinaryong congressman, shortcut pa ang daan, at marami sa mga party-list ang inimbento lamang ng mga pulitiko at sila rin ang kumakatawan sa sektor na “a-ewan” na papalamunin ng mamamayan, hanggang sa pagtubuan nila ang kanilang puhunan na may kaakibat pa na kapangyarihan. O ano, laban ka?
Ihiwalay ang dekolor sa puti
Ang kalinisan ng hangarin ng isang party-list ay isinabatas upang maihatid at na may kumakatawan sa mga karaingan ng naaping sektor ng lipunan. Ito ay hindi nilikha upang maragdagan ang pasanin at siphayo ng mamamayan. Hindi ito dapat nakapanig sa kulay ng kahit na anong partido nang maruming pulitika, amen!