WALA namang masama sa selfie. Ang masama ay sa pamamaraan ng pagsasagawa nito. At nakakabahala rin ang lumabas sa isang pag-aaral kamakailan na nagsasaad na mahigit nang 250 tao sa buong mundo ang namatay dahil sa mga selfies sa nagdaang huling anim na taon. Kokonti lang ang bilang na ito kung tutuusin at isasaalang-alang na merong 7.6 bilyon ang populasyon ng tao sa mundo sa kasalukuyan pero kataka-taka, nakakalungkot at nakakabahala rin na merong mga namamatay nang dahil lang sa pagkuha nila ng litrato sa kanilang mga sarili.
Lumabas ang naturang datos sa pag-aaral na ginawa ng ilang mga researcher na kunektado sa All India Institute of Medical Science na isa namang grupo ng public medical colleges na nakabase sa New Delhi. Sa pag-aaral, inanalisa nila ang mga napaulat na insidente ng 259 tao na namatay habang nagsasagawa ng selfie sa pagitan ng Oktubre 2011 at Nobyembre 2017. Nalathala umano ang resulta ng pag-aaral na ito sa July-August edition ng Journal of Family Medicine and Primary Care.
Nangungunang dahilan ng pagkamatay ng 259 tao na ito ay ang pagkalunod sa tubig habang nagse-selfie. Kasunod nito ang mga insidente sa mga sasakyan halimbawa tulad ng pagse-selfie sa harap ng dumarating na tren o pagtayo sa matataas na lugar. Iba pa umanong dahilan ng pagkamatay ng mga biktima na kunektado sa selfie ay may kinalaman sa mga hayop, baril, at kuryente.
Lumitaw din sa pag-aaral na ang India ang bansang may pinakamaraming namatay sa selfie. Marami ring ulat ng mga namatay habang nagsasagawa ng selfie sa Russia, United States at Pakistan. Ayon sa ilang tagamasid, hindi naman nakakamatay ang simpleng pagse-selfie pero nagkakaroon ng panganib kapag isinasagawa ito sa isang delikadong paraan at lugar para lang makakuha ng perfect shot.
Ayon pa sa pag-aaral, mahigit 85 porsiyento ng mga namatay habang nagse-selfie ay mga millennial o yaong ang mga edad ay nasa pagitan ng 10 at 30 taong gulang.
Sinasabi pa ng mga researcher na maaaring mahigit pa sa 250 ang bilang ng mga namamatay sa selfie na hindi lang naireport o naisadokumento.
(Anumang reaksyon sa kolum na ito ay maaaring i- email sa rbernardo2001@hotmail.com)