Isang buong ubasan, ninakaw sa Germany
HINDI makapaniwala ang mga pulis sa katimugang bahagi ng Germany matapos isang buong ubasan ang magawang manakaw doon.
Nagawa ng mga kawatan na nakawin ang lahat ng bunga sa isang ubasan sa Deidesheim gamit ang isang makinang pang-ani, ayon sa mga pulis.
Ang mas malala pa sa pagnanakaw, nangyari ito hindi sa isang liblib na lugar kundi sa tabi mismo ng isang napakalaking supermarket na dinadayo ng mga tao.
Sumalakay raw ang mga magnanakaw bago magdapit-hapon. Sa panahon na iyon ay nagawa ng mga salarin na makakulimbat ng 1,600 kilo o higit-isang kalahating tonelada ng white grapes na ginagamit na sangkap sa paggawa ng Riesling wine.
Tinatayang nasa $8,000 (katumbas ng P433,800) ang halaga ng mga ubas na natangay ng mga magnanakaw.
Tinututukan na ngayon ng mga pulis ang insidente, lalo na’t hindi ito ang unang beses na may sinalakay na ubasan sa Germany. Noong lamang isang taon ay nasa 600-800 na kilo ng mga ubas ang nanakaw sa kalapit na lugar.
Kilala ang rehiyon kung saan nangyari ang pagnanakaw, sa mga ubasan nito. Tinatayang nasa 13,000 ang mga ubasan sa lugar, kung saan nagmumula ang sangkap para sa 90% ng ini-export na alak ng Germany.
- Latest