BURSITIS (bursaytis) ang medical term kapag namaga ang mga bursae. Ang bursae ay mga maliliit na sacs na nagsisilbing kutson sa tinatawag na pressure points sa pagitan ng buto at fibrous tissues ng ating masel at litid. Naigagalaw natin ang joints o hugpungan nang maluwag dahil sa mga bursae na ito.
Nangyayari ito kapag nasasaktan ang bursae sa paulit-ulit na galaw ng joints o kapag humampas ang naturang joint o kapag bumagsak nang mali at nadiinang maigi ang joints.
Paano malalaman kung namamaga o nagkaproblema ang mga bursae na ito? Heto ang sintomas na makikita:
• May pananakit o paninigas sa paligid ng naturang joint.
• Tumitindi ang kirot kapag naigagalaw o nadidiinan ang joint.
• Mainit ang pakiramdam ng joint.
• May pamamaga at pamumula ng balat sa ibabaw ng naturang joint.
Ang karaniwang joints na tinatamaan ng bursitis ay ang joints sa may balikat, elbow, o balakang. Halimbawa, matagal kang nakaluhod sa paghahalaman o pagtatanim, ang pressure na ito ay puwedeng masaktan ang iyong bursae. Puwede itong mauwi sa pamamaga. Kung nagba-badminton naman o may activity na kailangang ihampas ang kamay, puwede ring mamaga ang mga joints ng balikat. Puwede ring rayuma, gout, o anumang impeksyon ang sanhi ng bursitis.
Dapat bang ipa-X-ray ang joints na nakakaramdam nang ganito?
Puwede namang sumailalim sa X-ray kung nag-aalala sa nananakit na joints. Pero kung ang sanhi nito ay bursitis, karaniwang normal ang lalabas na resulta sa X-ray.
Kusang gumagaling ang bursitis. Pero makatutulong ang sumusunod:
• Ipahinga at huwag masyadong igalawa ang apektadong joint.
• Maglagay ng yelo sa ibabaw ng joint kung namamaga.
• Uminom ng analgesic o iba pang pain relievers gaya ng mefenamic acid, ibuprofen.
Hindi madali kapag may bursitis. Masyado kasing masakit, mahirap gumalaw, matindi ang kirot. Madalas ay nauubusan tayo ng pasensiya. Pero konting tiis. Ilang linggo ang lilipas bago tuluyang gumaling ito. Kailangan talaga ng pinagbigkis na tiis at pasensiya!
Minsan, sa tindi ng kirot, ay nagpapainiksyon pa tayo ng steroid sa apektadong joint. Kagyat naman itong nagbibigay ng mabilisang ginhawa. At minsan ay isang injection lang ang kinakailangan para rito.
Kung impektado ang inyong bursitis, doon lamang kakailanganing uminom ng antibiotiko. Bihirang pagkakataon na ang namamagang bursae ay kailangang i-drain pa surgically.