ISANG malaking tipak ng ginto na may halagang hindi bababa ng $110,000 (katumbas ng P6 milyon) ang nahukay ng isang lalaki sa liblib na bahagi ng Western Australia.
Ngayon lang nagbunga ang ilang taon nang paghahanap at paghuhukay ng lalaki sa lugar, na hindi na isinapubliko ang pangalan matapos niyang hilingin na itago ang pagkakakilanlan para sa kanyang kaligtasan.
Ayon sa lalaki, napa-“Oh my God’’ daw siya nang natagpuan niya ang malaking tipak ng ginto na tumitimbang nang mahigit tatlong kilo.
Medyo malalim ang kinalalagyan ng tipak kaya inabot daw siya ng dalawang oras bago niya ito dahan-dahang naiahon.
Dahil sa hugis nitong kawangis ng paa ng pato, binansagan ang malaking tipak ng ginto bilang “Duck’s Foot.”
Ayon sa isang gold prospector sa Australia, patunay lamang daw ang pagkakatuklas ng lalaki na marami pang ginto ang hindi pa nadidiskubre sa kanilang bansa.