Mahina raw ang baga: Baka TB?
KASAMA sa ating pagiging Pinoy ang hindi pagiging direct o prangka. Kadalasan, nagpapaliguy-ligoy tayo dahil hindi natin mabanggit ang gustong sabihin. Noong bata pa ako, lagi kong naririnig sa magulang ko na si ganito’t ganireng kakilala nila ay “mahina ang baga.” Hindi malinaw kung ano ang eksaktong karamdaman sa baga; basta’t mahina lang ito. Tapos, may iniinom ng maintenance drug para rito. Noong nasa medical school na ako, noon ko naisip na tuberkulosis o TB ang tinutukoy nilang “mahina ang baga.”
Hindi namamana ang sakit sa baga. Kadalasan, ang TB ay nakukuha natin sa mga kasamahang positibo rito. Kung may kasamahan sa bahay na “mahina ang baga” pinagandang termino para sa tuberculosis, malaki ang posibilidad na mahawa. Kung positibo sa TB ang kapamilya o kasambahay, kailangang siya ay magamot nang mahusay at nang hindi na magpabalik-balik ang TB sa buong pamilya.
Maraming sanhi ang ubo. Puwedeng ito ay dala lamang ng allergy, Upper Respiratory Tract Infection, kanser sa baga, bronkitis, emphysema, at pulmonya. Pero ubo rin ang sintomas ng TB. Kapag ang ubo ay matagal na at umaabot na ng 2 linggo o higit pa, isa sa konsiderasyon ay ang TB.
Sa mga Pinoy, ang posibilidad ng tuberkulosis ay napakalaki. Higit sa nobenta porsyento ng mga Pinoy ay may exposure na sa TB. Kaya nga hindi na kataka-taka kung dapuan man tayo ng TB. Karaniwang may kasamang dugo ang plema na inilulura ng isang may TB. Sa ganitong kaso, maipapayo ang pagpapasuri ng plema sa laboratoryo at pagpapa-X-ray sa baga para tiyakin kung may TB nga o wala.
Ang TB ay madali na lamang gamutin pero kailangang uminom ng gamot sa loob ng anim hanggang 9 na buwan. Hindi dapat paglaruan ang dosis ng gamot kontra-TB. Kalaunan kasi ay puwedeng maging resistant na doon ang isang uri ng antibiotiko, ibig sabihin, nawawalan na ng bisa ang isang particular na gamot laban sa naturang sakit. Kakailanganin pa tuloy ng mas matinding antibiotiko kontra-TB na mas mahal pa kaysa sa naunang ginamit.
Ngayon ay marami ng kaso ng TB na hindi na tinatalaban ng karaniwang gamot sa TB. “Multi-drug resistant Tuberculosis” na ang tawag dito.
Huwag balewalain ang ubo. Bukod sa TB, ang ubo ay maaari ring sintomas ng mas grabeng kondisyon sa baga gaya ng kanser sa baga. Pero sa kanser sa baga, ang ubo ay karaniwang maplema, at hindi bumubuti sa kahit anong antibiotiko. Minsan kasi, ang sintomas ng kanser sa baga ay parang sa tuberculosis din. Kung nakakaranas ng ubong may plema na umaabot na ng ilang buwan at hindi naman allergy ang sanhi, makabubuting masuri ka nang maigi. Lalong dapat ipag-alala kung ang iyong ubong maplema ay hindi napapagaling ng kahit anong pinakamatinding antibiotiko.
Kung naninigarilyo, itigil na sana ito. Dapat matiyak natin kung ano talaga ang sanhi ng dinaranas na ubo.
Sa mga matatanda, ang simpleng ubo ay maaaring sintomas na ng pulmonya. Kaya hindi dapat ipagwalambahala na lamang ito.
- Latest