EDITORYAL - Ipagpatuloy, pagwalis sa mga karag-karag na dyipni
TULOY na tuloy na sa susunod na taon ang transport modernization program. Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ang mga sasakyang may edad 15 hanggang 20 taon pataas ay wawalisin na sa kalsada. Layunin ng modernisasyon na mapabuti ang transportation system at malutas ang problema sa air pollution. Kabilang sa mga sasakyang wawalisin sa kalsada ay mga lumang dyipni. Ayon pa sa DOTr, desidido na silang ipatupad ang transport moder-nization kaya puwersahan na ang pagwalis sa mga lumang sasakyan.
Tinatayang 170,000 na mga kakarag-karag na dyipni ang wawalisin at deretso na sa junkshop ang mga ito. Mag-a-accredit ang DOTr ng scrapping companies para ang mga ito ang mamamahala sa pag-scrap sa mga lumang dyipni.
Pero bago raw walisin ang mga lumang dyipni, pagkakalooban ang mga may-ari nito ng P80,000 na subsidiya para makabili ng modernong dyipni na magagamit nila sa pamamasada. Ang mga bagong unit ng dyipni ay hindi nagbubuga ng hanging may lason kaya hindi makasisira sa kapaligiran.
Tama ang hakbang na ito. Panahon na para walisin ang mga lumang sasakyan lalo na ang mga karag-karag na dyipni na bukod sa pinu-pollute ang hangin ay nagdudulot pa ng trapik at dahilan nang maraming aksidente. Hindi na dumadaan sa regular maintenance ang mga dyipni at takbo na lamang nang takbo. Dispalinghado na ang preno, walang ilaw, at sinusuwag ang mga bahay at pedestrians. Karamihan sa mga driver ng dyipni ay walang disiplina kaya naman marami ang naaaksidente.
Ayon sa DENR, 80 porsiyento ng emissions o usok ay galing sa mga tambutso ng sasakyan. Nilalason ng mga ito ang hangin na dahilan ng pagkakasakit at kamatayan ng mamamayan. Ang mga sakit na nakukuha sa maruming hangin ay pulmonya, bronchitis, asthma, istrok at atake sa puso.
Sana totoo na ang sinabi ng DOTr na wawalisin na ang mga bulok na dyipni. Kapag naalis, siguradong mababawasan ang pollution, luluwag ang trapik at makakaiwas sa aksidente.
- Latest