MARAMING Pinoy ang may allergy sa kung anu-ano. May allergic sa alikabok. May allergic sa ilang particular na pagkain gaya ng hipon, pusit, at alimango. May allergic din sa gamot. Natatandaan ko pa ang isang doktorang kaibigan na matapos uminom ng gamot (pain reliever) ay namaga ang mukha at halos magsara ang mata. May allergy pala siya sa content na ibuprofen ng gamot.
Maraming bagay ang dapat isaalang-alang sa pagkakaroon ng allergy pero ang pinakamahalagang kunsiderasyon ay lahi. Kung isa sa mga magulang ay may kasaysayan ng allergy, ang bata ay may 50% tsansa na mamana ang allergy. Kung ang mga magulang ay parehong may kasaysayan ng allergy, 75% na ang tsansa na mamana ang allergy. Pero kahit walang kasaysayan ng allergy ang parehong magulang, puwede pa ring magkaroon ng allergy ang anak.
Kung matindi ang naging atake ng allergy at nagsimula nang mahirapang huminga ang pasyente at hindi agad nabigyan ng lunas, puwedeng mauwi ito sa tinatawag na anaphylaxis. Ito ay matinding response ng katawan sa nakapasok na allergen. Dito, nahihirapang huminga ang pasyente, bumabagsak ang presyon ng dugo, nawawalan ng malay, at puwedeng mauwi sa kamatayan kung hindi maaagapan. Bihira lamang ang ganitong klase ng allergy. Kailangang bigyan agad ng anti-allergy injection ang pasyente para mabilis ang maging epekto.
Maaaring maging madalang na lamang ang maging atake ng allergy habang nagkakaedad ang tao. Ito ay sapagkat nagkakaroon na ng maraming exposure ang isang tao habang siya ay nagkakaedad. Kung baga, ang hyperreactive na immune system natin ay natututo nang mag-adjust sa ilang allergens na nakapapasok sa katawan. Hindi nakakalakhan ang pagkakaroon ng allergy. Tandaan ang mga pagkain, gamot, o mga bagay na posibleng magpasimula ng allergy.
Iba-iba ang sintomas ng allergy sa bawat tao. May mga taong nagluluha ang mata, nagbabahin, nagpapantal-pantal ang balat, nangangati, namumula ang balat, o namamaga ang ilang bahagi ng katawan. Meron ding nahihirapang huminga kapag may allergy.