Mga empleyado ng bullet train sa Japan, pinauupo sa tabi ng riles bilang bahagi ng training
DUMEPENSA ang isang kompanya ng tren sa Japan sa pagpapaupo nila sa kanilang mga empleyado sa tabi ng riles bilang bahagi ng kanilang training.
Umani kasi ng batikos ang JR West nang kumalat ang balitang pinauupo ng kompanya ang mga empleyado nito sa tabi ng riles habang may humahagibis na bullet train sa bilis na 300 kilometro kada oras.
Sa kabila nito, wala pa rin daw balak ang JR West na itigil ang nasabing bahagi ng training at ayon sa kanila ay nasa 190 na sa kanilang mga empleyado ang sumailalim dito.
Unang ginawa ng JR West ang pagpapaupo sa mga empleyado sa tabi ng riles noong 2016, matapos magkaroon ng aksidente noong August 2015 kung saan natanggal ang isang bahagi ng tren habang tumatakbo ito.
Simula noon, pinauupo na nila sa tabi ng riles ang kanilang mga empleyado upang maipakita sa kanila nang malapitan kung gaano kabilis ang takbo ng bullet train at kung gaano kapeligro kung sakaling may aksidenteng maganap. Ito’y para raw maiparating sa lahat ng nagtatrabaho sa JR West na napakahalaga para sa bawat empleyado na tuparin ang kanyang tungkulin.
Bagama’t sinisiguro naman daw ng kompanya ang kaligtasan ng bawat empleyadong sumasailalim sa kakaibang training na ito ay mayroon pa ring mga nagrereklamo sa pagpapaupo sa kanila sa tabi ng riles habang may humaharurot na tren.
Masasabing isa ang bullet train system ng Japan ang pinakaligtas sa buong mundo. Sa kabila ng sobrang bilis na takbo nito at kalahating siglo ng pagseserbisyo nito sa publiko ay wala pang kahit isang naitatalang namamatay sa mga aksidenteng kinasangkutan nito.
- Latest