TALAMAK na ang bentahan ng shabu sa bansa. Kahit saang lugar, mayroong shabu. Maski ang mga mahihirap na barangay na hindi pa naaabot ng kuryente, may shabu na kaya marami nang krimen ang nagaganap. Laganap ang nakawan, patayan, panggagahasa at iba pang karumal-dumal na krimen. Lahat nang ito, nangyayari dahil sa pagkasugapa sa shabu.
At ngayong marami na namang shabu ang pumasok sa bansa dahil sa pakikipagkutsabahan ng mga corrupt sa Bureau of Customs sa drug syndicates, marami na namang magiging addict na lilikha ng krimen. Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), umaabot sa P6.8 bilyong halaga ng shabu ang naipasok sa bansa at nakalusot sa Customs. Nakalagay sa magnetic lifters ang mga shabu. Tatlong magnetic lifters ang natagpuan sa Cavite pero wala nang laman. Itinanggi naman ni Customs Commissioner Isidro Lapeña na may lamang shabu ang magnetic lifter. Inayunan naman ni President Duterte ang sinabi ni Lapeña.
Talamak ang shabu smuggling at nangyayari ito dahil sa mga corrupt sa Customs. May nakalusot nang P6 bilyong pisong halaga ng shabu noong nakaraang taon sa Customs sa ilalim ni dating Comm. Nicanor Faeldon pero nauulit muli ngayon. Inalis lang si Faeldon at nilipat ng ibang posisyon.
Kamatayan ang nararapat na parusa sa mahuhu-ling drug dealers. Kung may masasampolan sa mga ito, maaaring may matakot at mabawasan ang pagpasok ng shabu sa bansa. Ganito rin ang pananaw ni boxing idol at ngayo’y Senador Manny Pacquiao. Ayon sa senador, makabubuting i-firing squad ang drug traffickers na mahuhuli partikular ang foreig-ners. Hindi na raw natatakot ang mga dayuhan kaya laging nagpapasok ng droga sa bansa.
May punto si Pacquiao. Kung ipa-firing squad ang mga dayuhang drug traffickers, dapat ganyan din ang gawin sa mga corrupt employees sa Customs. Dahil sa pakikipagkutsaba nila sa traffickers kaya nakakalusot ang droga. Sama-sama silang i-firing squad.