SA International Space Station pa lamang ang pinakamala-yong nararating ng mga turista na gumagastos ng milyun-milyong dolyar para makapagbakasyon at makatikim ng karanasan sa laboratoryong pangkalawakang ito. Karaniwan mga bilyunaryo ang nakakapunta rito bagaman iilan pa lang at wala nang balita kung meron pang susunod. Tila bahagi ito ng inisyal na yugto ng pinauunlad na turismong pangkalawakan. Kasama rito ung pagdala ng mga turista sa labas ng orbit ng mundo.
Napakamahal nga lang at parang pang-mayaman pero batid naman ito ng mga may kinalaman sa space tourism kaya naghahanap din umano sila ng paraan kung paanong ang mga karaniwang tao ay makakapasyal kahit man lang sa orbit at masilayan ng kanilang mga mata ang kabuuan ng mundo.
May mga kumpanya na sa mauunlad na bansa tulad nitong SpaceX sa US na naglunsad ng proyektong magdadala ng mga turista na nais magbakasyon sa buwan. Unang tinaya na magagawa ito noong Pebrero 2017 pero naantala at inurong ang iskedyul sa kalagitnaan ng 2018. Kaso, muling naantala at napaulat kamakailan na isasagawa ito sa kalagitnaan ng susunod na taon o 2019.
Sabi sa ulat, hindi malinaw ang dahilan sa pagkakaantala pero isa umano itong senyales na ang mga problema sa teknikal at produksiyon ang humahadlang sa naturang plano ng founder ng SpaceX na si Elon Musk bukod sa duda rito ang space industry.
Kung sakaling matuloy, sasakay ang turista sa isang Dragon capsule na ipapailanlang sa kalawakan ng Falcon Heavy na sinasabing pinakamalakas na rocket ng SpaceX.
Hindi rin malinaw kung ipapasyal lang sa paligid ng orbit ng buwan ang turista o kung lalapag siya sa kalupaan nito at maglalakad-lakad doon na tulad ng ginawa ng mga astronaut noong dekada 60 at 70.