MARAMING batas sa bansang ito ang hindi naipatutupad. Gawa nang gawa ng batas ang mga mambabatas pero hindi naman nai-implement. Kagaya ng batas na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga publikong lugar. Marami ang naninigarilyo sa mga plaza, parke, palengke, at maski sa loob ng mga gusali at pampublikong sasakyan. Kahit nakikita o nababasang BAWAL MANIGARILYO, hindi sumusunod sa batas. At wala namang nangangahas na hulihin ang mga naninigarilyo. Maski nakikita ng mga pulis at iba pang awtoridad na may naninigarilyo sa pampublikong lugar, hinahayaan na lang. Sayang ang batas na matagal pinagdebatehan.
Noong nakaraang taon, nilagdaan ni President Duterte ang isang Executive Order na nagbabawal manigarilyo sa mga loob ng gusali o establisimento sa buong bansa. Si Duterte mismo ang humiling sa Department of Health (DOH) na gumawa ng draft para maisama ang pagbabawal sa paninigarilyo sa loob ng gusali. Ang pagbabawal sa paninigarilyo sa loob ng mga gusali ay unang ipinatupad sa Davao City noong si Duterte pa ang mayor at naging matagumpay ang kampanya. Ang tagumpay sa no smoking ban sa Davao City ay pinuri ng World Health Organization (WHO).
Pero dahil hindi maimplement ang nasabing EO, patuloy ang paninigarilyo sa publiko sa kasalukuyan. Kahit pa nga ipamukha ng DOH na ang Hunyo ay “National No Smoking Month”, balewala na rin. Walang sumusunod dito.
Ayon sa DOH, ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa buong bansa ay upang makaiwas sa pagkakasakit ang mamamayan. Ang second hand smoke ay sinasabing mas matindi ang epekto sa mga nakalalanghap nito.
Ayon sa WHO, limang milyong tao ang namamatay taun-taon at maaaring maging walong milyon sa pagsapit ng 2030 kung hindi magkakaroon nang matibay na kampanya laban sa paninigarilyo.
Ayon sa DOH, ang mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo ay hypertension, heart attack, stroke, cancer at lung disease. Ang chronic obstruction pulmonary disease (COPD) ay isa sa mga sakit na dulot ng paninigarilyo.
Sayang ang batas, dapat maipatupad ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.