Ang kambal na portrait

MAY isang painter na naghahanap ng model para sa kanyang proyekto na binigyan niya ng titulong “Innocence”.  Isasali niya ito sa isang patimpalak. Kailangang ang model ay nagtataglay ng kainosentihan hindi lang sa pisikal na hitsura kundi sa kanyang buong pagkatao.

Minsan, habang nagsisimba siya ay napansin niya ang isang batang nakaluhod, magkadaop ang dalawang palad habang naka-tingala ito at nakatingin sa Panginoong Hesukristo na nakadispley sa mataas na bahagi ng altar. Ang bata ay katabi ng kanyang ina na nasa ganoon ding posisyon. Napag-alaman niyang Rupert ang pangalan ng bata. Pumayag kaagad ang ina pati na ang bata na maging model. Nanalo ng first prize ang “Innocence”.

Lumipas ang maraming taon, matanda na ang painter. Ang portrait ay nakadispley pa rin sa kanyang tahanan. Gusto niyang bago siya mamatay ay igawa niya ng counterpart ang “Innocence”, isang portrait na naglalarawan naman ng isang taong punung-puno ng pagsisisi sa buhay. Bibigyan niya ito ng titulong “Guilt”. Naisip niyang magsadya sa mismong piitan na malapit sa kanyang tirahan.

Sa tulong ng mga kakilalang jail guard ay nakapasok siya sa selda ng mga preso. Napagawi siya sa area kung saan tinatanggap ang mga bisitang dumadalaw sa mga preso. Nakapukaw ng kanyang pansin ang lalaking preso at babaeng masinsinang nag-uusap. Ang lalaki ay umiiyak na nakayakap sa babae at humihingi ng tawad. Pinagmasdan niya ang lalaking umiiyak. Parang pamilyar sa kanya ang mukha ng babae. Ang lalaking kausap nito ay nahalata niyang bata pa  ngunit dala marahil ng hirap na dinaranas sa loob ng kulungan, mukha na itong kasingtanda ng babaeng kausap.

Lumapit ang painter sa lalaki at babaeng nag-uusap. Napag-alaman niyang mag-ina ang dalawang nag-uusap. Inalok niya ang preso na babayaran ito kung papayag na maging model sa gagawin niyang portrait. Ginawa ang painting session sa loob ng selda. Nang matapos ang painting ay biglang naikuwento ng preso na naging model na rin siya noong bata pa at pinamagatang “Innocence” ang portrait na iyon. Siya pala si Rupert. Ngayon, magkatabing nakasabit sa pader ng magarang tahanan ng painter ang kambal na portrait ni Rupert: Ang “Innocence” at ang  “Guilt”.

Show comments