Sagabal sa lansangan, ‘wag tantanan!

Dapat talagang tutukan nang husto ng Metropolitan  Manila Development Authority (MMDA) ang mga sagabal sa mga lansangan.

Sangkaterba na kasi ang umaabuso sa mga lansangan na parang pag-aari na nila o nabili na nila ang kalsada.

Tulad na lang sa Maynila, may mga secondary road doon na sadyang isinara. Hinarangan ng mga plastic at concrete barrier ng kung sino,  kaya ang mga lusutang daan palabas at papasok ng España hindi madaanan.

Ang mga motorista nagsisiksikan sa may Lacson dahil sa mga hinarangan na daan. Dahilan nang pagtukod ng trapik sa lugar.

Ang dahilan kasi merong nakatayong basketball court sa kalsada pero wala namang liga. Kahit walang laro isinara ang kalye.

Imposible na hindi ito alam ng barangay baka nga sila pa ang kumunsinte sa kanilang nasasakupan at sila pa ang nagharang sa daan.

Aba’y kahit buhol-buhol na ang trapik, arya pa rin talaga. Hindi naman sila ang nagpagawa ng daan sila lang ang gustong makinabang.

Meron din dyan sa mga secondary road naman sa Cubao, QC ang kalsada pinintahan ng  reserve  parking ng ilang residente. Talagang may mga box parang nabili ang kalsada.

Talagang dapat pukpukin sa mga ganyan eh mga barangay official kasi nga sila madalas ang nagiging promotor .

O hindi nga ba’t madalas na ang kalsada o bangketa ang tinatayuan ng mga konkretong barangay hall. Kapag nakatayo na sila, hindi na naaawat ang kanilang mga nasasakupan parang mga kabute na nagsusulputan at nagtatayo na rin mga straktura sa bangketa o kalsada.

Pasintabi, meron din Chapel itinayo sa bangketa sakop ang kalsada, san ka naman nakakita ng ganito.

Wala sa ayos, pero marami ang kumukunsinte.

Dapat may pananagutan din dito ang mga opisyal sa barangay.

Kung dapat matutukan ang mga ito, hindi rin dapat kaligtaan ng MMDA ang paghabol sa mga ‘bulok at mausok’ na mga sasakyan na tila namamayagpag na naman sa pagbiyahe sa mga lansangan.

Matagal-tagal din kasing natigil ang operasyon sa mga ito kaya ayun, nandyan na naman.

Show comments