(Part 3)
NAKILALA ni William sa bagong school na nilipatan ang kinatatakutang estudyante sa grade 5, si Diosdado o Dadong Tarantado, lihim na tawag ng mga nabiktima nito ng pambu-bully.
Kumaripas ng takbo si William nang minsang harangin siya sa gate at hingan ng pera. Mas malaki sa kanya si Dado kaya tumakbo na lang kaysa lumaban. Ngunit naabutan siya nito. Binatukan muna siya nang napakalakas at saka kinapkapan siya sa bulsa. May nakuhang 25 sentimos. Noong ay 1971 at ang 25 sentimos ay napakalaking halaga sa isang batang hindi anak ng mayaman. Hindi pa ito nasiyahan at kinuha rin ang kanyang pad paper. Hindi siya nagsumbong sa mga magulang niya dahil ayaw niyang masabihan na palasumbong. Baka lalong makantiyawan siya na parang babaeng iyakin na nagsusumbong labas ang tumbong. Ganoon kasi ang nangyari sa isang estud-yanteng lalaki na inagawan ng sandwich ni Dado. Nagsumbong sa titser. Pinagalitan si Dado at pinahingi ng apology sa batang inagawan ng sandwich. Simula noon kapag nakikita ito ng barkada ni Dado, pinamiminyagan siya ng “palasumbong, malaki ang tumbong”.
Napapansin niyang nawiwili si Dado na abangan siya sa gate ng school para hingan ng pera. Kahit nagpapa-late siya ng uwi, matiyaga siyang inaabangan dahil laging may nakukuha itong pera sa kanya. Minsan ay hindi na siya nakatiis, talagang nagsumbong siya sa kanyang ama. Ang ginawa ng kanyang ama ay pinuntahan ang magulang ni Dado upang sabihin ang ginagawang pangongotong kay William. Mag-ama silang nagpunta sa bahay ni Dado. Wala na pala itong ina. Kaya ama lang ni Dado ang humarap sa kanila.
(Itutuloy)