ISA siyang mabait at responsableng ama at asawa pero hindi pala lahat ng mabubuting ama ng tahanan ay pinagkakalooban ng mabuting anak. Ang malas naman niya, dalawang matitigas na ulong anak na lalaki ang ini-assign sa kanya ng tadhana. Ilang dekada siyang nagtrabaho sa ibang bansa ngunit parehong grade six lang ang natapos ng kanyang dalawang “pakdol” na anak. Paano, walang kahilig-hilig sa pag-aaral. Mga pakdol nga kasi. Magaling lang sa mga bisyo at pag-aasawa ng maaga.
Ang mabait na ama ay nagkaroon ng problema. May matatanggap siyang malaking halaga ng pera mula ibinenta niyang property. The first and last property na maaari niyang pagkunan ng capital para sa pinaplano niyang negosyo. Nalaman ng panganay na magbabayad na ang buyer ng property. Sinugod nito ang ama at nag-demand na ibigay sa kanya ang kalahati ng mapagbebentahan. Saan kaya napulot ng anak na pakdol ang ideyang dapat ay sa kanya ang kalahati? Kahit anong paliwanag ay hindi makuha ng anak ang ibig ipaunawa ng kanyang ama. Nang hindi magkaintindihan ay inaway na lang ng anak ang kanyang ama. Walang modo sa magulang. Totoong naluluha ang puso ko sa mga ganitong eksena.
Ang huli kong balita ay naubos ng anak ang share niya sa napagbentahang property. Wala siyang trabaho kaya napilitang magbalik loob sa amang inaway niya. Ang mabait na ama ang bumubuhay ngayon sa pamilya ng anak na walang modo.