Ang Uranus ang ikapitong planeta mula sa araw. Ito ang third largest planetary radius at ikaapat na largest planetary mass sa Solar System. Ang kanyang komposisyon ay tulad ng sa planetang Neptune at ang kanilang bulk chemical composition ay iba ng sa mas malaking gas planet na Jupiter at Saturn. Dahil ditto, Ice Giants ang turing ng mga scientist sa Uranus at Neptune para mapabukod sila sa mga gas planet.
Ang atmosphere ng Uranus ay mas maraming ‘ices’ tulad ng water, ammonia, at methane kasama ng mga bakas ng ibang hydrocarbon. Ito ang pinakamalamig na planetary atmosphere sa Solar System. Ang interior ng Uranus ay pangunahing binubuo ng mga ices at rock.
Tulad ng ibang giant planet, ang Uranus ay merong ring system, magnetosphere at mara-ming buwan.
Nitong nagdaang linggo, napaulat ang resulta ng pananaliksik ng ilang scientist na lumabas umano sa Journal na Nature Astronomy na nagsasaad na ang mga ulap ng planetang Uranus ay binubuo ng hydrogen sulphide, ang klase ng gas na nagbibigay ng masamang amoy sa mga bulok o bugok na itlog.
Matagal na umanong pinagtatalunan ng mga dalubhasa ang posibilidad na merong hydrogen sulphide sa atmosphere ng Uranus pero nakumpirma na ito ngayon sa unang pagkakataon sa isinagawang obserbasyon sa pamamagitan ng isang telescope sa Hawaii. Natukoy ang gas sa ibabaw ng mga ulap ng malaking planeta sa pamamagitan ng Near-Infrared Integral Field Spectrometer (NIFS) instrument sa Gemini North telescope sa Mauna Kea summit ng Hawaii.
Ayon sa mga researcher, kapag may taong pumunta sa Uranus at dadaan sa mga ulap nito, makakasagupa niya ang napakabaho at nakakasakal na kundisyon.