NAGTAASAN ang kilay ng mga kosa ko sa Camp Crame matapos maluklok bilang hepe ng Police Security and Protection Group (PSPG) si Sr. Supt. Filmore Escobal.
May puntong madismaya ang mga kosa ko dahil si Escobal ay miyembro ng Class ’91 ng Philippine Military Academy (PMA) kaya’t maliwanag pa sa sikat ng araw na naungusan niya ang Class ’87, ’88, ’89, at ’90. Hehehe! Parang si dating PNP chief Gen. Ronald “Bato” dela Rosa lang na marami ring nilampasan na PMA Class nang ma-appoint ni Digong na PNP chief, di ba mga kosa? Kung sabagay, tulad ni Bato, bata rin ni Pres. Digong si Escobal kaya nagbingi-bingihan na lang ang mga kosa ko sa hindi makatarungang pag-promote sa kanya. Ito kasing PSPG mga kosa ay matatawag kong TO position na at kung sino man ang maging hepe nito ay nakalinya nang magiging heneral. Kung ang promotion ni Escobal ang gagawing basehan, mukhang maraming alintuntunin ng PNP ang hindi nasunod tulad ng seniority, at accomplishments. Hindi lang ‘yan! May ipinapatupad pa rati ang PNP na kapag next in command o deputy ka sa isang region o unit ay hindi mo uupuan ang puwesto ng amo mo para maiwasan ang tinatawag na “sulutan.” Eh si Escobal ay deputy ni Chief Supt. Joel Garcia, ang PSPG chief na kareretiro lang, di ba mga kosa? May praktis din ang PNP na may mga puwesto na tinatawag na entry point o ‘yung hindi uupuan ng opisyal unless heneral na at si Escobal ay colonel pa lang kaya saklaw din ba siya? Ano sa tingin n’yo mga kosa? Hak hak hak! Mukhang nabura na ang mga dating alituntunin sa promotion sa PNP at ang namayani sa ngayon ay ang closeness kay Digong, di ba mga kosa? Hehehe! Weder-weder lang ‘yan!
Kaya naman naging isyu ang promotion ni Escobal mga kosa dahil matapos pangalanan ni Digong na si Dir. Oscar Albayalde ang papalit kay Bato, umugong ang balita na mga snappy at masipag magtrabaho na Class ’90 ang iupo niya sa mga puwesto sa NCRPO para madisiplina ang kapulisan at maibalik ang tiwala ng sambayanan sa PNP. Subalit ang plano ni Albayalde, ayon sa mga kosa ko, ay hinarang ni Dep. Dir. Gen. Archie Gamboa, ang deputy chief for operations ng PNP, dahil masyadong bata pa daw ang mga Class ’90. Kung sabagay, tama si Gamboa dahil lalampasan ng Class ’90 ang kanilang seniors sa Class ’87, ’88, at ’89, na naghihikahos sa trabaho subalit walang mga backer kaya hindi nakapuwesto at matagal pa bago sila maging heneral. Ang tanong sa ngayon ng apat na klase ng PMA na nilaktawan ni Escobal, bakit hindi hinarang ang promotion niya ni Gamboa? Dahil kaya kapwa sila miyembro ng Davao connection? Ano sa tingin n’yo mga kosa? Ha ha ha! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Matapos makaupo si Escobal, umugong naman na itong kaklase niya at kapwa batang Digong na si Sr. Supt. Vicente Danao ang uupong director ng Manila Police District (MPD). Si Danao, na may kasong bugbugan sa Davao, ay ang deputy for operations sa ngayon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay gustong kilatisin ng negosyanteng si Jaime Dichavez, para kay Mayor Erap Estrada. Ewan ko lang kung natuloy ang miting nila Dechavez at Danao ha? At hindi lang ‘yan! Kumalat din sa MPD na may isang taga-CIDG na alyas Mortante ang nakipag-coordinate sa mga bataan ni Chief Supt. Jigs Coronel, hindi para magtrabaho mga kosa, kundi para alamin kung “magkano” ang “laman” ng Maynila. Ayon kay Mortante, sila na ang gagalaw kapag si Danao ang umupong director ng MPD. Hak hak hak! Ang suwerte naman ng taga-Davao, no mga kosa? Hehehe! Uulitin ko weder-weder lang talaga ‘yan!
Kung sabagay, sinabi ni kosang Caby na si Escobal ay original na PMA Class ’90 samantalang si Danao ay Class ’89 kaya lang kapwa sila nag-graduate sa Class ’91. Subalit sinabi ng mga kosa ko sa Camp Crame na ang basehan sa promotion sa PNP na umiiral sa ngayon ay ang klase kung saan sila nag-graduate at hindi ‘yung sa pagpasok nila sa PMA, di ba Sir Archie? Hak hak hak! Ano ba talaga ang dapat sundin sa promotion sa PNP? Pabagu-bago kasi ng estilo! Tumpak!
Liilinawin ko mga kosa na ang pag-upo ni Escobal ay bago maging PNP chief si Albayalde. Kaya sa ngayon, nais ni Albayalde na maging fair ang promotion ng PNP at nagtatag pa siya ng oversight committee para hindi lang siya ang mag-decide sa promotion ng masipag at qualified na opisyal. Kasama rin sa deliberation ng oversight committee ang Senior Officer’s Placement and Promotion Board (SOPPB) kaya’t sisiliping maigi ang mga kandidato sa promotion. Kung sabagay, nangako naman si Digong na hindi siya makikialam sa PNP subalit si Presidential Assistant Bong Go kaya hindi rin makikialam? Ano sa tingin n’yo mga kosa? Hak hak hak! Matatanggihan din kaya ni Albayalde ang mga hirit ng pulitiko at iba pang power broker sa PNP tulad ni Bato? Abangan!