NAG-GOODBYE na pala si Bureau of Immigration Associate Commissioner Aimee S. Torrefranca Neri the other day.
Sabi nga, ba-bye!
Walang makapagsabi kung bakit umalis ng bureau si Aimee. Kung gusto ninyong malaman itanong ninyo sa kanya?
Mukhang isang taon pa lamang ito sa tungkulin pero sangkaterba ang natuwa dito dahil hindi ito sumusuko sa pagsuporta sa mga kawani ng bureau.
Hindi gaanong putok sa media ang pangalan ni Aimee pero sa taga - bureau umaalingawngaw ang pangalan niya porke isa ito sa nakipaglaban, nagtulak at humarap sa mga bright people sa government of the Philippines my Philippines para maibalik ang overtime pay ng lahat ng mga employees sa BI.
Bukod kay Aimee, isa sa mga tumulong, sumuporta at nagtulak para isulong na mabalik ang OT ng mga taga - bureau ay si resigned SOJ Vit Aguirre II kaya naman mahal na mahal ito ng mga taga - BI.
Ang masama nga lamang ay nagbitiw si Vit at Aimee sa kani-kanilang mga puesto sa gobierno kaya mukhang malabo nang maibalik ang OT ng mga taga - immigration.
Abangan.
* * *
New BI’s nagmumuni-muning magbitiw sa tungkulin
Nag-iisip ang ilang bagong Immigration officers na magbitiw na sa kanilang tungkulin matapos lumabo ang kanila pag-asa na maibabalik pa ang kanilang overtime pay.
Umaangal kasi ang ilang bagong immigration officers dahil sobrang baba ang kanilang sahod sa bureau partikular ang mga nakatalaga sa NAIA.
Ika nga, mahal na ang pagkain, mahal pa ang gasolina.
‘Saan nga naman nila kukunin ang pera?’ Tanong ng kuwagong inaapi.
Sabi ng mga assset ng mga kuwago ng ORA MISMO, ang Immiration officer 1 ay may sahod lamang P14,000 kaltasan mo pa ng GSIS, PAG-IBIG, PHILHEALTH at pambaon sa kanilang mga anak echetera. Ano pa ang matitira?
Dahil summer vacation na sa Philippines my Philippines at marami ng madlang people ang pumupunta abroad para magbakasyon at mag-trabaho, mga banyagang turista dumarating at umaalis sa NAIA kaya naman nakakaranas na sila ng tindi ng haba ng pila dito sa arrival at departure immigration counters sa airport.
Bakit?
May mga immigration officers ang halos hindi na pumapasok at nag-leave of absences kaya problema sa mga immigration counters dahil kakaunti lamang ang pumapalo o nagbibigay ng ‘arrival at departure’ clearance sa paliparan bukod pa sa rami ng mga pasahero ngayon dito.
‘Ano ang mainam gawin?’
Mag-abang tayo!