SINISIKAP ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa na pabanguhin ang pinamumunuang organisasyon. Mula nang maupo siya noong Hunyo 2016, marami na siyang sinibak na mga pulis scalawags na nagbigay-dungis sa PNP. Pero kulang pa ang ginagawa ni Dela Rosa sapagkat sa halip na mabawasan ang mga scalawags ay lalo pang dumami. At ngayong aalis na si Dela Rosa sa PNP, namumutiktik pa sa scalawags ang organisasyon. Sa kabila na tinaasan ng suweldo ang mga pulis, hindi pa rin sila nakuntento at “suma-sideline” pa.
Sa isang linggo ay iiwan na ni Dela Rosa ang PNP at sa Bureau of Corrections (BuCor) naman siya maglilingkod. Nagpaalam na siya sa mga miyembro ng PNP noong Lunes at naiyak pa siya. Isasalin niya kay NCRPO chief Director Oscar Albayalde ang pamumuno sa PNP. Si President Rodrigo Duterte ang pumili kay Albayalde.
Isang araw bago ang pamamaalam ng PNP chief, apat na pulis-Maynila naman ang humabol at nagdagdag pa ng dungis sa iiwanang organisasyon ni Dela Rosa. Sa halip na ingatan at itaas ang dangal, kinulapulan pa ng putik ng apat na pulis ang PNP. Sayang lang ang mataas na sahod na binigay sa kanila.
Noong Linggo, inaresto ng PNP-Counter-Intelligence Task Force (CITF) at National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na pulis mula sa Manila Police District-Station 9 matapos hulidapin ang isang Egyptian. Nahulihan umano ng shabu ang Egyptian at nag-demand ng P50,000 para maayos na ang kaso.
Pero nagsumbong ang Egyptian sa NBI kaya ikinasa ang entrapment operation sa apat na pulis-MPD. Isinagawa ang intrapment sa isang convenient store sa Malate. Nahuli ang apat na pulis na nakilalang sina: SPO3 Ranni Litonjoa Dionisio, PO3 Richard Osorio Bernal, PO1 Arjay Lastrici Lasap at PO1 Exequiel Jeric Fernandez. Sinibak din ang kanilang hepe na si Supt. Eufronio Obong.
Marami pang police scalawags na naiwan si Dela Rosa. Hindi nasapol ng kanyang kamaong bakal. Ngayong si Albayalde na ang mamumuno sa PNP, nararapat na niyang lipulin ang scalawags. Huwag nang hayaang may maiwan pang magbibigay-batik sa PNP.