NAKAPAGTALA ng bagong world record ang lungsod ng Dhaka sa Bangladesh matapos higit 15,000 katao roon ang lumahok sa isang malawakang clean-up drive.
Nasa 15,304 ang nagtipon-tipon noong nakaraang linggo sa isang lansangan sa nasabing lungsod upang sabay-sabay na magwalis at maglinis ng kapaligiran.
Ilang linggo rin ang naging preparasyon para sa pagtitipon. Abril 4 ay hinihimok na ng mayor ng Dhaka na si Sayeed Khokon ang mga residente ng lugar na lumahok sa malawakang paglilinis.
Dininig naman siya ng libu-libong mga taga-Dhaka at matapos lamang ng dalawang oras na pagwawalis noong Abril 13 ay idineklara kaagad ni Khokon na nakamit na nila ang bagong world record.
Dinaluhan ng isang kinatawan ng Guinness World Records ang pagtitipon sa Dhaka upang kumpirmahin na may bago na ngang world record.
Higit na mas malaki ang bilang ng mga lumahok sa cleanup drive na isinagawa ng mga taga-Bangladesh kaysa sa 5,000 na lumahok sa dating world record na itinala ng mga taga-India noon lamang isang taon.